Wala na sa lugar ang pagiging panatiko ng DDS
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | June 5, 2022
MILYUN-MILYONG PINOY NA NGA ANG JOBLESS, TAPOS GUSTO PANG PAUWIIN NI SEC. BELLO SA 'PINAS ANG MGA OFW--Malinaw na pang-uunggoy lamang sa publiko ang panawagan ni outgoing DOLE Sec. Silvestre Bello III sa mga overseas Filipino workers (OFW) na umuwi na sa Pilipinas dahil may hanapbuhay at livelihood program naman daw na ibibigay sa kanila ang pamahalaan.
Mantakin n'yo, sa latest datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong April 8, 2022 ay higit 3 milyong Pinoy sa bansa ang nawalan ng trabaho, tapos magyayabang 'tong si Bello na pinapauwi sa Pilipinas ang mga OFW dahil bibigyan naman sila ng hanapbuhay ng pamahalaan, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
KAPAG UMUWI NG 'PINAS, GUTOM ANG AABUTIN NG MGA OFW--Dahil may social media, tiyak na nakarating na sa mga OFW ang panawagan ni Bello na umuwi na sa 'Pinas.
At dahil dito, panawagan natin sa mga kapamilya ng mga OFW na sabihan ang kanilang kamag-anak na OFW na huwag maniwala sa ibinibida ni Bello kasi kapag naniwala sila at umuwi sa Pilipinas, itaga n'yo sa bato, walang maibibigay na trabaho sa kanila ang pamahalaan at gutom lang ang aabutin nila, period!
◘◘◘
WALA NA SA LUGAR ANG PAGIGING PANATIKO NG MGA DDS--Wala na sa lugar ang pagiging panatiko ng mga DDS.
Mantakin n'yo, imbes na magalit dahil ibinaon ng Duterte gov't. sa utang ang Pilipinas, higit P13 trilyon ang utang na iiwan nito sa bansa na pag-aambag-ambagan ng mga Pinoy na bayaran, eh, ang mga DDS ay lungkot na lungkot kasi bababa na sa Palasyo ngayong June 30, 2022 si P-Duterte, mga buwisit!
◘◘◘
DUTERTE GOV'T., DEDMA SA BIGTIME TAAS-PRESYO NG LANGIS--Itong papasok na linggo ay may bigtime na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo, ang kada litro ng gasolina ay papalo ng P2.50 hanggang P2.80, samantalang ang kada litro naman ng diesel ay P6.30 hanggang P6.50.
Ang panawagan ng iba't ibang sektor ay suspendihin o tanggalin na ng gobyerno ang excise tax sa langis para kahit paano ay hindi umepekto sa pamumuhay ng mga Pinoy ang bigtime oil price hike na ito, pero ang masaklap ay dedma lang ang Duterte gov't, tsk-tsk-tsk!





Comments