‘Wag sana maging dahilan ang mga proclamation rally para mapuno na naman ang mga ospital
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | February 09, 2022
HUWAG SANANG MANGYARI NA PAGKATAPOS NG PROCLAMATION RALLY, MAPUNO NA NAMAN NG PASYENTE ANG MGA OSPITAL–Nag-umpisa na nga ang pangangampanya kahapon.
Ang proclamation rally ni Vice-Pres. Leni Robredo ay gagawin sa Plaza Quezon, Naga City; si Mayor Isko Moreno ay sa Kartilya ng Katipunan, Manila City Hall; si Sen. Panfilo “Ping” Lacson ay sa Imus Grandstand, Imus, Cavite; si Sen. Manny Pacquiao ay sa Oval Public Plaza, General Santos City at si former Sen. Bongbong Marcos naman ay sa Philippine Arena, Sta. Maria, Bulacan.
Sana, sa mga proclamation rally ng mga presidential candidates ay mismong supporters nila ang magkusang sumunod sa health protocols upang maiwasang magkahawaan kasi kung paiiralin nila ang pagiging pasaway, baka pagkatapos ng event ay mapuno na naman ang mga ospital dahil sa dami ng tinamaan ng COVID-19, boom!
◘◘◘
KILATISIN ANG MGA KANDIDATO KUNG SINO ANG TOTOONG SUSUGPO SA KORUPSIYON–Lahat ng mga presidentiables ay nangangakong lalabanan ang korupsiyon kaya dapat maging mapanuri ang mga botante kung sino sa mga presidentiables ang seryoso.
Dapat tandaan ng ating mga kababayan na maraming botanteng naunggoy sa sinabi ni P-Duterte noong 2016 presidential election na lalabanan niya ang korupsiyon kasi hate raw niya ito, pero nang maging pangulo, mas lumala pa nga ang problema at ang matindi, may mga pagkakataon pang nagmimistulang spokesman siya sa pagtatanggol ng mga tauhan at kaibigan niyang nasasangkot sa katiwalian sa pamahalaan, period!
◘◘◘
PRAMIS NG MGA KURAKOT NA TRAPO, LALABANAN NILA ANG KORUPSIYON–Kada eleksiyon, isa sa mga pangunahing isyu ay tungkol sa talamak na korupsiyon sa pamahalaan at kung paano ito susugpuin ng mga kandidato.
Ang kuwela, pati ‘yung mga traditional politicians (trapo) na may record ng pagnanakaw sa kaban ng bayan ay nangangakong susugpuin at lalabanan daw ang korupsiyon sa pamahalaan, ha-ha-ha!
◘◘◘
NGAYONG HALALAN 2022, LAMANG ANG MGA TRAPO KASI IBOBOTO SILA NG MGA MANGMANG NA BOTANTE–Sa totoo lang, ngayong halalan 2022 ay lamang sa laban ang mga trapo kasi sa dami ng pera ng bayan na kanilang ninakaw, nagawa nilang magbayad ng mga fake news bloggers, TikTokers, YouTubers at trolls na nagpapalaganap ngayon sa social media na kahit magnanakaw ang pulitiko, basta may nagagawang proyekto ay dapat iboto.
At dahil d’yan, idol ng mga mangmang na botante ang mga magnanakaw, na iboboto nila ang mga kawatang pulitiko, basta may nagagawang proyekto, boom!





Comments