'Wag na 'wag daw magpapauto…

SUPER TEKLA, BINANTAAN NG FANS NA BOBOYKOTIN 'PAG BUMALIK PA KAY MICHELLE
ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | October 31, 2020

Para sa mga fans at supporters ni Super Tekla, okey lang daw kung nakipag-ayos at napatawad na niya ang ka-live-in na si Michelle Bana-ag matapos siyang ireklamo, ipahiya at sira-siraan sa radio program ni Raffy Tulfo.
Malambot ang puso ni Tekla, at gusto niyang bigyan ng second chance si Michelle alang-alang daw sa anak nilang si Baby Angelo.
Ngunit tutol na tutol naman ang mga kaibigang tumulong at dumamay kay Tekla na muli niyang balikan at makisamang muli sa dating ka-live-in. Ang bilis-bilis naman daw magpatawad ni Tekla ganu'ng dinurog at ipinahiya siya nang husto sa publiko ni Michelle. Sapat na raw na sustentuhan na lang ni Super Tekla ang kanyang anak na si Baby Angelo.
Pati ang mga netizens na naawa sa sinapit ni Tekla ay nanggigigil kay Michelle.
Pinayuhan na nila si Tekla na 'wag na 'wag nang magpapauto ulit kay Michelle dahil tiyak na hindi naman ito agad magbabago.
Kung hindi raw makikinig si Tekla sa kanilang payo na lumayo na kay Michelle, hindi na nila susuportahan ang career ng komedyante.
At sa susunod na ibagsak at siraan siya ulit ni Michelle ay hindi na siya dadamayan at tutulungan ng kanyang mga supporters.
Kaya dapat na mag-esep-esep muna si Tekla sa gagawin niyang desisyon.





Comments