‘Wag matigas ang ulo sa ‘ber’ months kung ayaw natin mag-ECQ sa Pasko
- BULGAR

- Aug 31, 2020
- 2 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 31, 2020
Bukas ay Septyembre na, simula na ng ‘ber’ months na pinakaaabangan ng marami sa ating mga kababayan dahil nakasanayan na nating simula na ito na makaririnig tayo ng mga awiting pamasko.
Kilala ang Pilipinas sa may pinakamahabang panahon nang pagdiriwang ng kapaskuhan at dahil unti-unti nang pagbabalik ng mga establisimyento, tiyak na malaking epekto ang pagpasok ng ‘ber’ months.
Unang-una ay tiyak na sisigla ang mga pamilihan dahil ito na ang simula na ilalabas na ng mga negosyante sa lansangan ang mga nakaimbak na paninda na karaniwang galing pa sa ibang bansa at nakatakdang ikalat ngayong kapaskuhan.
Maging sa mga shopping mall ay regular nang makaririnig ng Christmas song dahil bahagi ito ng marketing strategy upang makapang-akit ng mga mamimili at magsimula nang tumingin-tingin ng mga dapat nilang bilhin.
Ngunit sana ay huwag tayong masyadong malibang dahil sa isinagawang pagdinig ng House of Representatives’ committee on Metro Manila Development, ang University of the Philippine OCTA Research Team ay nagsabing ang kaso ng COVID-19 sa bansa ay posibleng umabot mula sa 330,000 hanggang 375,000 sa katapusan ng Septyembre.
Septyembre pa lang ‘yan, may tatlong buwan pa ang ‘ber’ months na kung hindi tayo mag-iingat ay hindi malayong dumoble o triple pa ang maging forecast ng mga eksperto mula sa UP OCTA Research Team.
Dahil sa iba’t ibang aktibidades na paparating ay hindi malayong madiskaril ang kaisipan ng marami sa ating mga kababayan at mabaling ang kanilang atensiyon sa mga pangangailangan nila sa pagsapit ng Pasko.
Malaki ang tsansa na ang simpleng pagsunod sa pinaiiral na health protocol ay makaligtaan at mawala sa isipan ang pagsunod sa physical distancing lalo na ‘yung mga kababayan nating dumarayo pa sa mga pamilihang lugar tulad ng Divisoria at Baclaran.
Naobserbahan na natin kung gaano kabilis ang galaw ng ating mga kababayan noong mga panahon na wala pang COVID-19, parang lahat ay nagmamadali, tumitindi ang daloy ng trapiko sa tuwing dumarating ang ‘ber’ months.
Kung muling iiral ang ganitong sitwasyon sa pagpasok na naman ng ‘ber’ months ay malaki ang posibilidad na mas dumami ang mahahawa sa COVID-19 bago pa tuluyang payagan ang bakuna laban sa virus na ito.
Naranasan ng inyong lingkod ang hirap ng mahawa sa COVID-19, kahit nakalabas na ng pagamutan ay patuloy pa rin ang medikasyon hanggang sa kasalukuyan at posibleng magpositibong muli kung magbibigay ng kumpiyansa kahit saglit lang na matsambahan ng virus na ito.
Dumarami ang natutuklasang bagong strain ng COVID-19 at palakas ito nang palakas para makahawa ngunit nananatiling facemask, face shield, regular na paghuhugas ng mga kamay at physical distancing lamang ang ating panlaban.
Kung ang labis na katuwaan lamang ang iiral dahil sa pagpasok ng ‘ber’ months at magluluwag o makakaligtaan ang tamang pag-iingat ay tiyak na ngayon pa lamang ay abot-kamay na natin ang forecast ng mga taga UP.
Ang mas masakit pa, baka ilagay ang ating mga lugar sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa araw mismo ng Pasko kung paiiralin natin ang katigasan ng ulo at palaging gumagala kahit hindi naman kailangan.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments