‘Wag masamain ang malasakit ng netizens, plis lang!
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | April 22, 2021
Nagsimula sa Maginhawa, at umusbong sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nitong mga nakaraang araw lamang ay nabuo ang isang kilusan para sa pagbabayanihan at pagkawanggawa sa kalagitnaan ng pandemya.
Simple lang ang mensahe ng mga community pantry na naglalayong tulungan ang mga nagdarahop nating kababayan: “Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan.”
Ang tagumpay ng mga community pantry ay pagbuwag sa negatibong kamalayan ng ilan na sa panahon ng krisis ay mag-uunahan ang mga tao para mapunan ang kanilang mga pangangailangan.
Magiging mabuting patnubay ang ganitong pagtutulungan at pananagutan sa kapwa sa paglikha ng mga polisiya—sa halip na pumupusta sa individualistic behavior.
☻☻☻
Dapat hinihikayat natin ang ganitong mga inisyatibo mula sa ating mga kababayan.
Kaya nababahala tayo na may mga ulat na ng red-tagging at profiling na ginagawa ng kapulisan sa mga aktibong umoorganisa ng mga community pantry sa kanilang pamayanan.
Umabot na ang harassment sa puntong naiisip nang itigil muna ng mga volunteers ang operations nila dahil sa takot.
Uulit-ulitin natin, sa gitna ng pandemya, mas malaking banta ang gutom at sakit kaysa sa mga komunista.
Nananawagan tayo sa liderato ng PNP—huwag naman. Huwag tayong maging hadlang sa pagnanais ng mga tao na tumulong sa kanilang kapwa.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments