top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

‘Wag maging kampante, paghandaan ang La Niña

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 13, 2025
  • 2 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Jan. 13, 2025



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Nitong nakaraang Lunes, Enero 6 ay naglabas ng anunsiyo ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ang nararanasan nating malamig na panahon — na mahigit pa sa average na sea surface temperature sa equatorial Pacific Ocean na nagsimula noong Setyembre 2024 — ay patuloy na lumalala at aabot sa La Niña conditions threshold noong Disyembre 2024.


Ayon sa PAGASA, patuloy na makararanas ang bansa ng lagay ng panahon na dulot ng La Niña hanggang sa buwan ng Marso ngayong taon.


Umiiral umano ang kondisyon ng La Niña kung ang isang buwang sea surface temperature anomalies na -0.5°C o mas mababa ay naobserbahan.


Sa mga panahong ito, inaasahan ang pag-ulan na maaaring magdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.


Nagbabala ang PAGASA na posibleng tumaas ang posibilidad ng pagbuo ng tropical cyclone sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa nasabing panahon.


Hindi lang ‘yun, nagbabala rin ang PAGASA na huwag maging kampante dahil may mga iba pang weather system na posible ring dahilan ng pag-ulan sa bansa na puwedeng magdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa. 


Sa mga panahon na ito, ang gobyerno ay dapat maging una sa aksyon!


Ang Department of Health (DOH) ay kumikilos na dahil sa matinding epekto ng malamig na panahon na puwedeng salarin sa pagdami ng dumaranas ng ubo, sipon at lagnat.

Marapat na manguna sa mga paghahanda ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) upang maiwasan ang pagbaha partikular sa National Capital Region (NCR).


Mga daan o highways na sumasailalim ng sakop ng DPWH ay dapat inspeksyunin. Lahat ng sirang daan ay dapat ayusin upang maiwasan ang pagbagal ng daloy ng trapiko at aksidente. 


Kailangan din ng dobleng pagkilos galing sa mga bumubuo ng local government units (LGUs) lalo na sa mga lugar kung saan nagkakalat ang mga basura at mga mababang lugar na kung tawagin ay “catch-basin” at mga matataas na lugar kung saan madalas ang “landslides” o pagguho ng lupa. 


Ngunit kahit gaano pa kahanda ang gobyerno, may takdang gawain pa rin ang mga madla. 


Bilang responsableng mamamayan, tayo rin ay may tungkulin upang maiwasan ang mga epekto ng masamang panahon. 


Marapat ay nakatutok tayo sa mga anunsyo ng PAGASA at ng ating mga lokal na pamahalaan upang maging impormado ukol sa mga pangyayari o kung panahon na upang lumikas. 


Alamin ang mga dapat at hindi dapat gawin pag may baha or sa mga lugar na madaling gumuho ang lupa. Lumikas kung kailangan nang lumikas! Sumunod sa mga otoridad. 

Ilan lamang ‘yan sa mga puwedeng gawin upang maprotektahan ang sarili at ang ating pamilya. 


O, ayan! Alam na nating may paparating na delubyo – dapat lamang ay maging handa para hindi tayo puro reklamo ‘pag dumating na ang inaasahang kalamidad.


Anak Ng Teteng!



May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page