‘Wag kampante kahit wala pang hawahan ng COVID-19 sa iskul
Updated: Sep 20, 2022
ni Ryan Sison - @Boses | September 19, 2022
Ilang linggo matapos ipatupad ang face-to-face classes sa ilang lugar sa bansa, itinanggi ng Department of Education (DepEd) na may naganap na hawahan ng COVID-19.
Ayon sa DepEd, wala pang natatanggap na ulat ang kagawaran mula sa regional offices na nagkaroon ng hawahan sa hanay ng mga mag-aaral.
Binigyang-diin ni DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa, na agad na nagsasagawa ng intervention ang kagawaran, gayundin ang mga local health representatives.
Gayunman, umapela ang tagapagsalita sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak para magkaroon ng depensa laban sa virus, kasabay ng paalala na huwag nang papasukin sa eskwelahan ang bata kung nakararanas na ito ng mga sintomas ng COVID-19.
Marahil, magandang balita na hanggang ngayon ay wala pa ring hawahan ng COVID-19 sa hanay ng mag-aaral at sana nga’y magtuluy-tuloy pa ito.
Pero tulad ng palagi nating sinasabi, kailangang manatili tayong handa dahil hindi natin alam kung gaano kabilis kakalat ang sakit sa oras na may tamaan nito, kumbaga, dapat bawal ang kampante.
Sa dami ng mag-aaral na pumapasok sa eskwelahan kada araw, kailangang maging alerto ang mga paaralan at health representatives sa oras na magpakita ng sintomas ang estudyante.
Maraming paraan para mag-ingat at kabilang na ang pagpapabakuna laban sa sakit.
Kung hindi man handang pabakunahan o magpabakuna ang bata, palagi nating ipaalala ang kahalagahan ng pagsunod sa minimum public health protocols gaya ng physical distancing, paghuhugas ng mga kamay at maging ang tamang pagsusuot ng face mask.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments