Wa' 'wenta ang face shield, period!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 2, 2021
PUWERSAHANG PINAGAMIT ANG FACE SHIELD SA MGA PINOY PARA PAGKAPERAHAN NG MGA BUWAYA--Sabi ni Presidential spokesman Harry Roque, na kailangang masanay na ang mga Pilipino na mamuhay kahit nananalasa pa ang COVID-19 dahil hindi solusyon ang lockdown.
Sana, hindi lang lockdown ang sinabi ni Roque na hindi solusyon sa laban sa COVID-19, kundi pati ang face shield kasi health experts na ang nagsabi na hindi ito panlaban sa COVID-19.
Sa totoo lang, kaya puwersahang ipinagamit ng pamahalaan ang face shield sa mga Pilipino ay para pagkaperahan ng mga buwaya sa Duterte gov't. at Pharmally Corp. na pag-aari ng mga wanted sa Taiwan na may kasong fraud, na may konek kay Michael Yang na BFF ng pangulo, boom!
◘◘◘
KAPAG NAPASAKAMAY NG SENADO ANG MGA DOKUMENTO, MAHUHUBARAN NA NG MASKARA ANG MGA NASA LIKOD NG PS-DBM-PHARMALLY MULTI-BILLION PESO SCAM--Maraming tanong ang mga senador na hindi masagot ng mga opisyal ng PS-DBM (Procurement Service-Department of Budget and Management) tungkol sa multi-billion peso public funds na pinasok nito sa Pharmally Corp. at para matuldukan na ang isyu ay ipinasusumite ni Sen. Gordon sa Senado ang mga dokumento sa transaksiyon kasi kung hindi isusumite ay baka magtagal pa ang imbestigasyon dito.
Sa paghingi ng Gordon ng mga dokumento ng PS-DBM, kapuna-puna sa Senate hearing na mistulang mga "napalunok sa kaba" ang mga alipores ni P-Duterte kasi alam nila, na sa oras na mapasakamay ng Senado ang nilalaman ng transaksiyon ay d'yan na mahuhubaran ng maskara kung sino ang mga nasa likod, kung bakit sunud-sunod na nakakuha ng bilyun-bilyong kontrata sa pamahalaan ang Pharmally Corp. kahit na P625-K lang ang kapital nito, period!
◘◘◘
MAY 'K' ANG MAMAMAYAN NA MAKITA ANG MGA DOKUMENTO SA TRANSAKSIYON NG PS-DBM AT PHARMALLY KASI PERA NG BAYAN ANG PINAG-UUSAPAN DITO--Ang sinabing 'yan ni Gordon ang ginagawang dahilan ngayon ni P-Duterte na dahil magtatagal pa ang imbestigasyon at ang palusot ng pangulo ay naabala ang kanyang mga tauhan, never na niyang padadaluhin sa Senate probe ang mga ito kaya't malabo nang mapasakamay ng Senado ang mga hinihingi nilang dokumento.
Kung walang itinatago, dapat hayaan ni P-Duterte na dumalo sa Senate probe ang kanyang mga alipores at makita ng taumbayan ang mga nakapaloob sa dokumento tungkol sa naganap na transaksiyon sa pagitan ng PS-DBM at Pharmally Corp. kasi may karapatan ang mga Pilipino na malaman ito dahil pera ito ng bayan, boom!
◘◘◘
HINDI KATAWA-TAWA NA MAY NANININDIKATO SA PERA NG BAYAN SA GITNA NG PANDEMYA--Sinita ni Sen. Kiko Pangilinan si former Usec. Christipher Lloyd Lao ng PS-DBM na nagagawa pang tumawa habang tinatanong ng mga senador tungkol sa multi-billion peso scam na transaksiyon sa pagitan ng PS-DBM at Pharmally Corp.
May punto si Sen. Kiko na magalit, kasi sa totoo lang hindi katawa-tawa na sa panahong nagkakandamatay ang mga Pilipino sa COVID-19, maraming naghikahos ang pamumuhay ay may mga nagsasamantala, may mga naninindikato sa kaban ng bayan, period!





Comments