top of page

Wa’ pag-asa na yumaman dahil matanda na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 3, 2021
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 03, 2021



Dear Maestro,

Sa edad ko bang 59, may pag-asa pa akong suwertehin sa buhay? Ano ba ang dapat kong gawin para gumanda ang aking kapalaran? Alam n’yo, bata pa lang ako sa aming probinsya ay mahirap lang kami at hanggang ngayong may apo at matanda na ako ay mahirap pa rin kami at nadamay pa ang mga anak at apo ko sa kahirapan.

Sana ay mapayuhan n’yo rin ako upang umunlad at suwertehin din ako kahit sa huling yugto nitong buhay ko. July 24, 1961 ang birthday ko.


Umaasa,

Ruben ng Sampaloc, Tanay, Rizal

Dear Ruben,

“Tempus fugit, momento mori” – salitang Latin na nagpapaalaala sa bawat isa na, “Mabilis na lumilipas ang panahon, alalahanin mo sa bawat saglit ang iyong pagtanda at ang iyong kamatayan.”


Tunay ngang sa panahon ngayong moderno na ang teknolohiya, mararamdaman mo na lang na talagang mabilis na lumipas ang panahon at mabilis ding napipigtas ang oras sa kanyang pag-ikot, ngunit mabagal ang nagagawa nating pag-unlad at kabutihan upang lalo pang gumanda ang ating buhay patungo sa mas asensado at maligayang karanasan.


Kaya masasabing ito ang malaking problema ng mga pangkaraniwang tao — umuusad nang mabilis ang panahon at nagkakaedad tayo, at ngayong tumatanda ka, ngunit hindi mo pa rin alam kung paano ka susuwertehin sa buhay, gayundin paano maaabot ang iyong mga pangarap, uunlad at magiging maligaya?


Napakahalagang habang bata ka pa ay nagpapaanalisa na ng iyong kapalaran bilang gabay upang malaman ng isang tao ang kanyang mga kahinaan na dapat baguhin at mga positibong katangian na dapat namang paunlarin. Dagdag pa rito, mas mahalagang malaman mo hangga’t maaga kung paano ka mamalasin at susuwertehin sa buhay.


Halimbawa, isa kang Leo, dapat ang iyong career ay sikat ka, kumbaga, parang artista o politiko na palaging nasa limelight ang buhay mo. Sa ganu’ng paraan ka uunlad, magtatagumpay at magiging maligaya.


Isa pang tipikal na pampasuwerte ng Leo ay ang singsing na gold. Dahil siya ay under sa planetang Sun, bukod sa singsing na gold na pinalamutian ng batong sardonyx, at bagay din sa iyo ang batong ruby, dapat din namang magsuot ka ng kulay na dilaw, na siyang kulay ng planeta mong Araw.


Kung ang birth date mo namang 24 o 6 (2+4=6) ang titingnan, tugma sa kapalaran mo ang kulay na pula o red upang suwertehin. Isuot mo ang pula tuwing sasapit ang mga petsang 6, 15, 24, 3, 12, 21, 30, 9, 18 at 27, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes, habang isuot mo naman ang kulay na dilaw, tuwing sasapit ang petsang 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22, 31, 7, 16, 25, 2, 11, 20 at 29.

Gayundin, ayusin mo ang iyong pirma kung halimbawang ito ay pangit. Halimbawa ng pangit na lagda ay ‘yung binaboy o binurara. Pangit din ang pirma na ibinabalikwas sa direksiyong kaliwa ang mga strokes o dulong buntot o ang paa ng mga letra ay ibinalik sa nasabing direksiyon.


Kaya ang pinakamagandang lagda ay klaro o malinaw ang pagkakasulat, madiin, nababasa ang salita, may katamtamang laki ang letra at mabilis na isinulat. Dapat ding ang lahat ng stroke ay patungo sa direksiyon kanan.


Kung halimbawang maganda na ang lagda mo, magsisimula nang ma-realize ng iyong isipan at unconscious self na ikaw ay kasalukuyang nasa tamang landas na ng tagumpay upang mas madaling makamit ng iyong pagkatao ang magagandang kapalarang inilaan sa iyo ng tadhana.


‘Yan muna ang unang ipatupad at gawin mo. At sa sandaling nasunod mo ang mga simpleng rekomendasyon sa itaas, kahit medyo may edad ka na, ayon sa Decadens ng Kapalaran, sa pagpasok ng taong 2022, sa edad mong 60 pataas, susuwertehin ka na at uunlad, magtatagumpay at habambuhay nang magiging maligaya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page