VP Sara, ‘pag naging Presidente, sandamakmak na pulitikong kurakot yari!
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Enero 28, 2024
VP SARA TOP SA PRESIDENTIAL SURVEY, KAYA MGA KURAKOT NA ANTI-DUTERTE POLITICIANS TIYAK KAKABA-KABA NA -- Sa inilabas na survey ng WR Numero Research patungkol sa mga presidentiable sa 2028 election, ay nag-top si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio.
Dahil d’yan, hindi man aminin ay tiyak kakaba-kaba na ang mga anti-Duterte politicians, lalo na iyong mga pulitikong kurakot, kasi kapag nagpatuloy ang ganitong survey hanggang sumapit ang araw ng presidential election, at si VP Sara ang idineklarang nanalong pangulo, siguradong sangkaterbang corrupt politicians ang magsasama-sama sa kulungan, abangan!
◘◘◘
PUWEDE NAMANG I-DENY NI SPEAKER MARTIN ANG ATAKE SA KANYA NG PINSANG SI SEN. IMEE, PERO ANG SABIHANG ‘MARITES’ ANG SENADORA, PAMBABASTOS NA IYON SA ATE NG PRESIDENTE -- Hindi dapat sinabihan ni Speaker Martin Romualdez ang pinsan niyang si Sen. Imee Marcos na “marites” matapos sabihin ng senadora na siya (Speaker Martin) ang “utak” ng Charter Change (Cha-cha), na sa kanya nagmula umano ang perang ipinangsusuhol bilang bayad sa mga botanteng pinapipirma sa People’s Initiative.
Puwede naman kasing i-deny ni Speaker Martin, ang pahayag ni Sen. Imee, pero ang sabihang “marites” ang senadora ay parang pambabastos na ‘yan sa ate ng Presidente ng Pilipinas, period!
◘◘◘
MATIMBANG PA RIN KAY P-BBM ANG KAPATID NA SI SEN. IMEE KAYSA SA PINSAN LANG NA SI SPEAKER MARTIN -- Dapat isipin ni Speaker Romualdez na pinsan lang siya ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) at ang sinasabihan niyang “marites” ay kapatid, ate ng presidente, at kung sa kada puna sa kanya ni Sen. Imee ay sasabihan niyang nagma-“marites” lang ang senadora ay baka “masaktan” ang Pangulo at magulat na lang siya na “na-kudeta” na siya sa Kamara, na hindi na siya Speaker of the House.
Dapat tandaan ni Speaker Martin na mas matimbang pa rin kay P-BBM ang kanyang kapatid, kaysa sa kanya na pinsan lang, boom!
◘◘◘
ONLI IN DA ‘PINAS NA MAY LINGGO-LINGGONG DAGDAG-PAHIRAP SA MAMAMAYAN --Sa pagpasok ng Bagong Taon o January 1, 2024 ay nagkaroon ng oil price hike, pagsapit ng January 15, 2024 nagkaroon na naman ng dagdag-presyo kada litro ng mga produktong petrolyo, makalipas lang ang isang linggo, at nitong January 22, 2024 ay nagkaroon na naman ng oil price hike, at sa paparating na January 30, 2024 ay may pagtataas na naman daw sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Onli in da ‘Pinas lang ‘yan, na halos linggo-linggo ay may dagdag-pahirap ang Marcos administration sa mamamayan, tsk!





Comments