VP Sara balat-sibuyas, ex-VP Leni hindi balat-sibuyas
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 17, 2022
KUNG HINDI SINIBAK NOON NI EX-P-DUTERTE SI EX-VP LENI BILANG HOUSING CZAR, MARAMI NA SANA NGAYONG FREE DORMITORY PARA SA MGA ESTUDYANTE NG PUBLIC SCHOOL—Pinangunahan ni former Vice-Pres. Leni Robredo, chairperson ng Non-Governmental Organization (NGO) Angat-Buhay Foundation ang groundbreaking ng dormitoryo sa compound ng Tulay na Lupa National High School para maging tirahan ng mga mag-aaral na nakatira sa malalayong lugar upang ang mga estudyante ay hindi na naglalakad o bumibiyahe ng pagkalayu-layo para lang makapasok sa paaralan.
Napakagandang programang ito ng Angat-Buhay Foundation, at sa totoo lang, noong italaga ni dating Pres. Duterte si Robredo bilang housing czar ay isa ito sa kanyang plano, ang magpatayo ng free dormitory para sa mga mag-aaral, kaya lang ay wala pang limang buwan sa puwesto, dahil sa mga paninirang atake ng mga DDS at loyalists vloggers sa dating presidente ay sinibak ni ex-P-Duterte si ex-VP Leni noong Dec. 2016.
Kung hindi sana pinakinggan ni ex-P-Duterte ang mga atake ng mga DDS at loyalists vloggers at pinanatili niya sa puwesto si Robredo bilang housing czar, sana ay marami ng dormitoryo ngayon na tinitirhan ng mga mag-aaral sa mga compound ng mga pampublikong paaralan.
◘◘◘
BALAT-SIBUYAS PALA SI VP SARA—Nagbanta si VP, DepEd (Dept. of Education) Sec. Sara Duterte-Carpio na idedemanda niya ng libel ang mga umaatake sa kanya tungkol sa helicopter ng Philippine Air Force na ini-assign sa kanya ni P-BBM.
Hindi naman siya aatakehin ng netizens sa isyung ito kung hindi niya ibinida sa social media ang tungkol sa chopper na 'yan, na sinamahan pa niya ng statement na dahil sa helicopter ay anumang oras na gustuhin niyang makapiling at makasama sa pagtulog kanyang mga anak ay madali niyang magagawa.
Sa totoo lang, ang layo ng karakter nina VP Sara at ex-VP Leni kasi si ex-VP Leni ay tanggap na atakehin siya noon dahil ang paniniwala niya ay hindi dapat magbalat-sibuyas ang sinumang nanunungkulan sa gobyerno, pero si VP Sara, kita na ngayon ng publiko ang ugali… napaka-balat-sibuyas.
◘◘◘
BAKA ANG PRAMIS NI VP SARA, TULAD DIN NG SUMABLAY NA PRAMIS NI EX-P-DUTERTE—Sabi ni VP Sara, dagdagan lang ng mga kongresista at senador ng P100 bilyon ang budget ng DepEd ay kaya na niyang resolbahin ang mga problema sa edukasyon ng bansa.
Totoo ba 'yan, eh, baka naman parang tatay Duterte lang niya ang pramis niyang 'yan, na sa loob daw ng 3 hanggang 6 months ay kaya niyang resolbahin ang problema sa ilegal na droga, kriminalidad at korupsyon sa Pilipinas, kaya't humingi siya ng P2.5 billion intelligence fund at umabot pa ito ng P4.5-B intel funds, kaya lang natapos ang termino niya bilang pangulo ng bansa, na malala pa rin ang problema sa droga, kriminalidad at corruption sa 'Pinas.
◘◘◘
MALAKI PA RIN PALA ANG POSIBILIDAD NA MAKULONG SA ICC JAIL SINA EX-P-DUTERTE AT SEN. BATO DELA ROSA—Kahit kumalas na ang Pilipinas bilang kasapi ng International Criminal Court ay tuloy pa rin ang kasong crimes against humanity laban kina ex-P-Duterte, Senator, former PNP Chief Gen, Ronald "Bato" dela Rosa at sa iba pang opisyal ng dating administrasyong Duterte.
Kailangan pala, pagkalipas ng isang taon sa pagkalas sa ICC ay doon palang iiral na wala nang hurisdiksyon ang ICC sa bansa at dahil may nakasampa ng kaso laban kina ex-P-Duterte, Dela Rosa at iba pa bago ang pagkalas sa international court, kaya tuloy ang paglilitis sa mga nasa likod ng EJK sa 'Pinas.
Dahil d'yan, kung sakaling mapatunayang guilty ay malaki pa rin pala ang posibilidad na makalaboso sa ICC jail sa The Netherlands sina ex-P-Duterte, Dela Rosa at iba pa.





Comments