top of page
Search
  • BULGAR

Vloggers at celebrities, 'wag abusuhin ang followers

ni Ryan Sison @Boses | October 22, 2023


Marami sa atin ang nawiwili ngayon sa mga online games at online raffle na talagang kinababaliwan pa kung minsan at hindi titigil sa pag-search ng mga sites na meron nito para pasukin sa kabila na maaaring ma-scam dahil dito.


Kaya naman mainam ang ginawa ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na pag-aresto sa isang vlogger at pitong kasama nito sa Balanga, Bataan dahil sa pagho-host ng online car raffle nang walang permit.


Batay sa ulat ng GMA News, walang permit ang grupo mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation para sa online activity nito.


Ipinaliwanag ni PNP-ACG spokesperson Captain Michelle Sabino, kung bakit ipinagbabawal ng batas ang mga walang lisensya dahil wala aniya, tayong hahabulin.


Kapag wala ang mga itong permit ay wala ring assurance rito. At upang malaman ang mga galaw nito kailangang puntahan ang kanilang mga websites.


Nakumpiska naman ng mga awtoridad ang mga desktop at laptop computer ng mga vlogger, mga mobile phone, mga mesa at mga router na ginamit para sa livestream bilang ebidensya.


Nakasabat din ang pulisya ng isang tambiyolo o lottery drum na ginamit sa pag-draw ng mga winners sa online raffle.


Sinabi pa ng PNP-ACG na may ilang kaso na rin ng online raffle draws kung saan hindi nai-deliver ang mga premyo sa mga nanalo.


Binanggit pa ni Sabino, na may mga kaso rin na ang mga sikat na bloggers at celebrities ay nag-e-endorse ng mga ganyang halimbawa, raffle at iba pa, na hindi na nake-claim ang prize ng winner.


Gayunman, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 1602 o illegal gambling.


Mahusay ang ginawa ng kapulisan dahil sa may nasampulan na sila na mga vloggers na gumagawa ng ilegal na gawain.


Dapat lang na sila ay arestuhin sa kanilang mga raket na masama ang nagiging epekto sa mga kababayan.


Panawagan natin sa mga bloggers, endorsers, celebrities, personnel, dahil sa maraming followers, maging responsable sana kayo sa inyong mga ine-endorse. Madali kayong paniwalaan ng publiko habang agad silang nahihikayat dahil naman kayo ang kanilang iniidolo.


Huwag n’yo sanang samantalahin o abusuhin ang pagtitiwala ng mga mamamayan.


Sa halip na ganitong klase ang pasukin ay maging mabuting modelo sana hindi lang sa kabataan kundi sa lahat ng tumitingala sa inyo.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page