Viray ibubuhos ang lakas sa Foxies sa pag-angat sa PVL
- BULGAR
- Jan 30, 2024
- 2 min read
ni GA @Sports | January 30, 2024

Matinding pasabog ang nakahandang ibuhos ni power-lefty spiker Caitlin Viray para sa Farm Fresh Foxies upang masubukang maiangat ang koponan sa mas magandang posisyon sa pakikipagharap sa mga bigating koponan sa darating na bagong season ng Premier Volleyball League simula Pebrero 20 sa Smart Araneta Coliseum.
Kabilang ang 5-foot-8 opposite spiker sa siyam na bagong manlalaro na tutulong sa batang-batang grupo upang higit pang patindihin ang opensiba sa seventh season kasunod ng magandang karanasan sa Choco Mucho Flying Titans, kung saan natulungan nitong makapag-ambag ng mahahalagang puntos tungo sa kauna-unahang podium finish sa second place sa nagdaang 2023 Second AFC nung Disyembre.
Maaaring mabigyan ng mas maraming pamamaraan sa atake ang Farm Fresh sa pagpasok ni Viray, matapos makakuha ng 2-10 rekord para sa 10th place finish, para mahigitan ang pinakasadsad na kartada sa 13th pwesto sa debut conference nung 2023 Invitational Conference.
Nakahanda ang 25-anyos mula Cavite sa anumang responsibilidad na ibibigay rito nina coach Jery Yee at Japanese consultant Master Shimizu, lalo pa’t parte rin ng koponan ang isa pang lefty-spiker at leading scorer ng koponan na si Trisha Gayle Tubu.
Nagsimula na ring makipagpalitan ng paluan sa kanyang mga kakampi ang dating University of Santo Tomas Golden Tigresses spiker sa isinagwang matinding pagsasanay katulong si Master Shimizu para sa panibagong sistemang kinakaharap nito matapos ang apat na taon sa Flying Titans at diskarte ng dating coach na si Dante Alinsunurin.
Bahagyang nanibago ito sa bagong sistema na karamihan umano ay mahahalagang panimula sa larangan ng balibol, kahit na matagal ng naglalaro sa propesyunal na lebel, ay pilit pa ring ibinibigay sa kanila upang hindi makalimutan. Nagsimula na ring makipag-tuneup ng koponan sa 84th season UAAP champions na National University Lady Bulldogs para makatulong sa isa’t isa sa kani-kanilang kampanya.








Comments