ni Anthony E. Servinio @Sports | July 6, 2024
Mga laro ngayong Sabado – N. Aquino
3 p.m. Belgium vs. Puerto Rico
6:30 p.m. Czech Republic vs. Vietnam
Lumaban subalit nabitin sa huli ang Alas Pilipinas at nanaig ang bisitang Vietnam – 25-14, 25-22 at 25-21 – sa pagpapatuloy ng 2024 FIVB Challenger Cup for Women kagabi sa puno at maingay na Ninoy Aquino Stadium. Kahit bigo ay napatunayan ng mga Pinay na kaya nila sumabay sa lakas ng kalaban.
Dominado agad ng mga Vietnamese ang unang set at ipinasok ang huling limang puntos. Sinubukang pumalag ng mga Pinay sa pangalawang set at bumomba ng service ace si Angel Canino para lumapit, 22-23, subalit matibay ang Vietnam at sinagot ito ng magkasunod na puntos para maging 2-0.
Halimaw si 2024 AVC Challenge Cup MVP Nguyen Thi Bich Tuyen at nagsabog ng 30 puntos. Magiting na itinaguyod nina Sisi Rondina at Angel Canino ang Alas na may 15 at 12 puntos.
Ipinamalas naman ng Czech Republic ang kanilang lakas kontra Argentina at nag-martsa papasok ng semifinals ngayong Sabado. Inirehistro ng mga Czech ang pinakadominanteng laro sa torneo at binigo ang Argentina – 25-15, 25-22 at 25-16.
Sumandal ang mga Czech sa kabuuang husay ng atake nina Michaela Mlejnkova na may 14, Gabriela Orvosova na may 12 at Helena Havelkova na may 10 puntos. Matatag din ang depensa ng mga middle blocker Magdalena Jehlarova at Ela Koulisiani. Ang kabilang semis ay sa pagitan ng Belgium at Puerto Rico sa 3 p.m.
Ipinakilala ng Puerto Rico ang 18 anyos na si opposite spiker Grace Mar Lopez sa kanilang 25-20, 25-19 at 27-25 lusot sa Kenya sa unang laro ng torneo. Tiyak na mamarkahan siya ng depensa ng Belgium na may pinakamataas na FIVB Rank #13 sa walong kalahok.
Comments