Victorious Passion, 'di pinawisan sa SLLP
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |September 19, 2022
Walang kahirap-hirap na sinikwat ni Victorious Passion ang panalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na inilarga sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite, kahapon.
Sinakyan ni jockey John Paul Guce, nag-abang lang sa bandang likuran si Victorious Passion para panoorin ang nag-uubusan ng lakas na sina Kipitaki, Den Deren Denden at Good Reason.
Pagdating ng far turn ay sina Den Deren Denden at Good Reason na lang ang nasa unahan habang papalapit sa unahan si Victorious Passion.
Sa final turn ay nakuha na ni Victorious Passion ang bandera, umulagawa sa rektahan para tawirin ang meta ng may apat na kabayo ang agwat sa pumangalawang si Good Reason.
Inirehistro ni Victorious Passion ang 1:33 minuto sa 1,400 meter race.
Dumating na tersero si It's A Deal habang pumang-apat si Christiano. Nasilo ng winning horse owner na si MF Mangaliman ang added prize na P10,000.
Samantala, 13 karera ang pinakawalan kahapon ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI) kabilang ang tatlong stakes races na kinagiliwan ng mga karerista, kahapon.
Matagumpay na natapos ang karera na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.





Comments