Vice Mayor, arestado sa mga pagpatay
- BULGAR

- 17 hours ago
- 1 min read
by Jeff Tumbado @News | August 23, 2026

Photo: PNP-PIO, Circulated
Dinakip ang kasalukuyang Vice Mayor ng Marantao, Lanao del Sur dahil sa mga kaso ng pagpatay sa iba't ibang lugar sa lalawigan.
Ayon kay Philippine National Police-Public Information Office Chief Police Col. Allan Rae Co, nakilala ang suspek na si Vice Mayor Eli Eskandar Unte Alonto III, alyas Bimmy Alonto.
Si Alonto ay naaresto sa kanyang tinutuluyang hotel sa Crystal Inn sa Brgy. San Miguel, Iligan City., makaraang ikasa ang operasyon alas-8:45 ng gabi ng Biyernes.
Ayon sa PNP, may warrant of arrest laban kay Alonto para sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa, habang may hiwalay siyang warrant para sa frustrated murder na may inirekomendang piyansang P200K.
Kapwa inilabas ang mga warrant noong Hulyo 15, 2026, ni Judge Jamel Tabao Mamutik, presiding judge ng Regional Trial Court Branch 44 sa Initao, Misamis Oriental.
Napag-alamang nangunguna si Alonto sa wanted list sa Marantao, ikatlo sa Lanao del Sur, at ikaapat sa Regional List of Wanted Persons ng Police Regional Office 10.
Nitong nakalipas na 2025 midterm elections, tinalo ni Alonto ang kanyang katunggali na si Saidamen Naga sa lamang na 542 boto.
Pinuri naman ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez ang mga operatiba na nagsagawa ng pag-aresto, na isinagawa sa kabila ng holiday break.





Comments