Veteran Castro, nileksiyunan sa laro ang batang Converge
ni GA - @Sports | June 13, 2022

Muling pinatunayan ni Jason Castro kung bakit minsan siyang itinanghal na “best point guard sa Asya” at five-time Best Player of the Conference matapos isalba ang TNT Tropang Giga laban sa Converge FiberXers upang maitakas ang 86-83 panalo kagabi sa 2022 PBA Philippine Cup sa Ynares Center sa Antipolo.
Kinana ng 35-anyos na 7-time PBA champion at All-Star ang isang floater lay-up sa nalalabing 2 segundo matapos ang dalawang mintis na free throws ni RK Ilagan.
Sinundan pa ito ng masaklap na turnover ni Ben Adamos at tinuldukan ng kambal na free throws ni Jayjay Alejandro.
“Bilang isa sa mga beterano, on that moment kailangan na mag-deliver ako, lalo na wala si Mikey [Williams], basta ang sabi ni coach [Chot] na once makuha ang bola at wide open na shoot with confidence,” pahayag ng tubong Bacolo, Pampanga sa post-game interview. “I’m trying to be a leader, yung offense binibigay ko na sa kanila, pero as a veteran kailangan kong mag-lead at ipakita sa kanila.”
Tumapos si Castro ng 17pts, 4 rebounds, 3 assists, 2 blocks at 1 steal para pangunahan maging sa opensa ang defending champion na nakabawi sa huling laro sa Blackwater Bossing. Sumegunda sa kanya si Glen Khobuntin sa 15pts at 8 boards, Troy Rosario sa 13pts at 13 rebs, Roger Pogoy sa 12pts at Alejandro sa 10pts.
Mula sa 78-76 na jump shot ni Ahanmisi sa nalalabing 2:45 ng laro sa fourth period, nagpalitan ng maiinit na tres ang dalawang panig mula sa tirada ni Pogoy sa 79-78 sa 1:46, na binawi ni Ahanmisi sa 81-79 sa 39 segundo, at pambawing tres ni Castro sa nalalabing 30 segundo para sa 82-81 bentahe.
Binitawan ni Ilagan ang isang matapang na jump shot sa nalalabing 24 segundo para mabawi ang lamang sa 84-83.
Mga laro sa Miyerkules (Mall of Asia Arena) 3:00 n.h. – Magnolia Timplados vs Northport 6:00 n.g. – Brgy. Ginebra vs Rain or Shine.





Comments