Very good na may ayuda ang tricycle drivers
- BULGAR
- Dec 15, 2022
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | December 15, 2022
LUBOG sa utang ang ordinaryong obrero.
Maging ang ordinaryong tricycle driver ay hindi magkandaugaga sa mataas na presyo ng petrolyo.
◘◘◘
MISTULANG nakukuba ang mga tsuper ng pampasaherong sasakyan upang magkamal lamang ng salapi ang mga oil corporation.
Mahirap na buhay ang epekto ng pandemya.
◘◘◘
MALAKING tulong ang fuel subsidy sa tricycle drivers.
At ‘yan ang nagsilbing salbabida sa panahon ng krisis.
◘◘◘
MATALAS ang ulirat ni Senador Alan Peter Cayetano kay Transportation Secretary Jaime Bautista sa confirmation hearing nito sa Commission on Appointments (CA) noong Miyerkules.
Hiniling ng senador sa dating pangulo ng Philippine Airlines (PAL), dalhin niya ang expertise nito sa private sector sa gobyerno.
◘◘◘
MATAPOS ang paggigisa sa Senado, inapura agad ang implementasyon ng fuel subsidy sa mga tricycle driver.
Pero pumapalag si Cayetano dahil 6,000 tricycle drivers pa lang ang nakatatanggap ng subsidy.
◘◘◘
'
INAMIN ng DILG na nasa 600,000 ang kabuuang bilang ng tricycle drivers sa buong bansa.
Naglaan ang gobyerno ng P2.5 bilyon para sa subsidy sa lahat ng public utility drivers—jeepney man, taxi o tricycle.
◘◘◘
IKINAKATWIRAN ni Bautista ay kulang ang listahan ng mga tricycle driver sa LGUs.
Ayon kay Cayetano, puwedeng punan ng mga Tricycle Operators and Drivers Associations (TODA) ang listahan.
◘◘◘
SA meeting noong Biyernes, nagkasundo sina Cayetano at Bautista na idaan sa LGU ang pamamahagi ng subsidy.
Sana ay gamitin ni Bautista ang expertise niya bilang private sector executive para maresolba ang problema sa transportasyon at masaklolohan ang mga pobreng tsuper ng pampasaherong sasakyan.
◘◘◘
BUMABABA ang presyo ng petrolyo.
Hindi ito nakakatuwa.
Indikasyon ‘yan ng mahinang demand at ibig sabihin ay babala ito ng “resesyon” o paghina ng takbo ng ekonomiya.
◘◘◘
BATAY sa “law of supply and demand”, ang mataas na presyo ng mga bilihin ay bunga ng malaking demand.
Ang malaking demand ay sintomas ng malusog na ekonomiya.
◘◘◘
NAGBABALA ang mga eksperto sa napipintong recession sa buong daigdig na mararanasan sa 2023 at 2024.
Pero ang magandang balita, hindi ito gaanong tatalab sa ilang bansa sa Asia-Pacific kasama ang Pilipinas at India.
◘◘◘
MAY malusog na domestic economy ang Pilipinas dahil ito ay archipelago o binubuo ng mga isla.
Hindi lang ‘yan, ang mga OFW ay nakakalat sa iba’t ibang panig ng daigdig—tulad ng mga Jews, Chinese, American at Indian.
‘Yun lang muna.
◘◘◘
ANG bilyun-bilyong dollar remittances ay nagpapasigla ng domestic economy na siyang pondasyon ng sistema ng ekonomiya ng Pilipinas.
Sa ngayon, nagpa-panic ang iba’t ibang bansa dahil sa kakapusan ng ‘labor force’ o ‘human resources’, kung saan ang Pilipinas ay mistulang may “minahan ng mga kuwalipikadong tao”!








Comments