top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Velasco, wala sa kalingkingan ni Cayetano kaya malabong suportahan sa pagka-Speaker, period!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 27, 2020
  • 2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | September 27, 2020



Higit sa P4 trilyon ang badyet na inilalaan para sa 2021.


Mapagtibay kaya agad ito ng Kamara tulad noong nakaraang taon?


◘◘◘


Simbilis ng kidlat na napagtibay ng Kamara ang 2020 budget taliwas sa naunang 2019 budget na itinengga.


Umabot lang ng 20-araw ang deliberasyon sa badyet na ipinangako ni Speaker Alan Peter Cayetano nang basbasan siya ni P-Digong na maging puno ng mga kongresista!


◘◘◘


Walang aberya sa budget sa taong ito dahil sa maayos na pagpapatibay at ngayon naman ay kailangan mapagtibay nang agaran ang 2021 budget na gagamitin sa pag-ahon ng banda sa krisis sa susunod na taon.


Isang malaking hamon ito kay Cayetano at sa mga kongresista!


◘◘◘


Hindi maaaring mabalam ang deliberasyon sa 2021 budget dahil nasa kalagitnaan ng krisis ang bansa at mahalaga ang matibay na liderato.


‘Yan ang malaking problema ni Rep. Lord Alan Velasco na mauusyaming maupo bilang speaker sapagkat hindi nakapagpamalas ng kuwalipikasyon bilang matibay na lider ng mga kongresista!


◘◘◘


Maselan ang pagsubok na nakaharap ng Kamara sapagkat sinikap nilang maisabatas nang agaran ang Bayanihan 1 at Bayanihan 2 act na ginamit upang makalusot ang bansa sa krisis dala ng COVID pandemic.


Walang aberya ang deliberasyon sa pagpapatibay ng mahahalagang batas!


◘◘◘


Napagtibay din agad noong nakaraang taon ang tax laws na kinailangan upang matiyak na matutugunan ang badyet na inilalaan sa taong ito.


Kung tutuusin, batay sa karanasan at actual na performance, wala sa kalingkingan ni Cayetano si Velasco kaya’t nabigo siya na makakuha ng suporta sa mayorya ng mga kongresista!


◘◘◘


Hindi na gaanong pinag-uusapan ang kontrobersiyal na “15-21 deal” na internal na pinagkasunduan nina Cayetano at Velasco sapagkat ang tunay na pipili ng liderato ay hindi naman talaga silang “dalawa” lamang—bagkus ay mayorya ng mga kongresista.


Ang “final say” ay hindi rin ang Malakanyang o si P-Digong, bagkus ay ang aktuwal na mayorya ng mga miyembro ng Kamara!


◘◘◘


Halos 18 buwan na lamang mauupo si P-Digong at kailangan nito ang matibay na liderato.


Kaduda-duda ang kakayahan at personalidad ni Velasco na ang karanasan ay asistehan lamang ang kanyang ama na dating mahistrado ng Korte Suprema.


Tameme rin si Velasco sa Kamara dahil wala tayong alam kung anong mabuting batas ang kanyang naipanukala at pinakikinabangan ngayon ng taumbayan!


◘◘◘


Kunsabagay, batambata pa naman si Rep. Velasco at malayo pa ang kanyang mararating sa mga susunod na panahon.


Pero, hindi siya puwedeng magmukmok tulad ng ginagawa niya ngayon—na naghihintay na “isubo” ng Malakanyang sa kanyang bibig ang posisyong speaker ng Kamara!


◘◘◘


Matuto sana sa aktuwal na pulitika at karanasan si Rep. Velasco.


Naniniwala tayong nauunawaan niya nang lubos ang kanyang kapalaran!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page