V.League Japan: Santiago, Lumipat sa JT Marvelous
- BULGAR
- Jun 30, 2023
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports | June 30, 2023

Dadalhin ni Jaja Santiago ang kanyang karanasan at kahusayan sa JT Marvelous sa Japan V.League dala-dala ang ibang numero upang ipagpatuloy ang paglalaro sa labas ng bansa bilang premyadong middle blocker.
Inanunsiyo ng V.League division 1 ang pagkuha nila sa serbisyo ng 27-anyos mula Tanza, Cavite matapos ang ilang taon sa Saitama Ageo Medics na tinulungan niyang makakuha ng second seed sa regular season para sa 24-9 kartada, subalit kinapos sa round-robin semifinals nitong nagdaang season para sa 4th place finish.
“I think this season will be an exciting and challenging year,” pahayag ni Santiago sa inilabas na statement sa kanilang website. “I will do my best to work together with my new teammates and show the best performance.”
Minsang hinirang na two-time Best middle blocker ang 6-foot-5 defender na naging laman ng balita na muling magbabalik sa Premier Volleyball League sa koponan ng Chery Tiggo Crossovers matapos mapabilang sa official line-up ng koponan sa 2023 Invitational Conference.
Tumapos sa 5th place ang JT Marvelous noong nagdaang regular season, matapos kapusin sa Top 4, para umabante sa playoffs patungong kampeonato. Nagsimulang maglaro sa Japan ang dating National University Lady Bulldogs standout noong 2018 para sa Aego Medics at dito na rin nakilala ang kanyang nobyo na si Japanese women’s assistant coach Taka Minowa, na na-engage sa kanya noong isang taon.
Huling beses kinatawan ni Santiago ang Pilipinas sa 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam, kung saan tumapos sila sa ikaapat na puwesto, habang naglaro ito sa Premier Volleyball League (PVL) noong 2021 Open Conference para tulungan ang Chery Tiggo na makuha ang unang kampeonato sa liga katulong ang kapatid na si Dindin Santiago-Manabat.








Comments