top of page

YEAR END: Eala nagtala ng kasaysayan ngayong 2025

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 2 min read

ni Gerard Arce @Sports | December 26, 2025



Alex Eala

Photo: Alex Eala / IG



Naging makasaysayan ang 2025 para kay Filipina tennis ace Alexandra “Alex” Eala nang magwagi sa mga natatanging ukit sa kanyang karera mula sa mataas na puwesto sa World Rankings, unang Women’s Tennis Association title at pagbura sa 26-taong pagkagutom sa ginto sa Southeast Asian Games.


Matagumpay ang 20-anyos na left-handed sa World Rankings na No.50 noong Nobyembre upang maging kauna-unahang Pinay na nakapuwesto rito matapos ang maningning na pagsabak sa Miami Open semifinal round, pagpasok sa US Open, tungo sa kauna-unahang korona sa WTA.


Malayo sa no. 147 ang simula ng taon kay Eala pero trinabaho ang mga kompetisyon sa pagpasok sa qualifying rounds at paglahok sa WTA 125 events. Unang naka-entra sa Miami Open si Eala noong Marso para makapasok sa main draw sa WTA 1000 bilang wild card hanggang semifinals kasunod ng mga tagumpay sa tatlong Grand Slam champions na sina Jelena Ostapenko, Madison Keys at Iga Swiatek. "I'm in complete disbelief right now. I'm on cloud nine," wika ni Eala matapos talunin sa straight set si Swiatek. Siya rin ang unang Pinay na nakatuntong sa tour-level semifinals at unang manlalarong Pinay na nakapasok sa Top 100.


Nanalasa sa Eastbourne Open Finals at nagwagi ng 2025 Guadalajara WTA Open para sa unang women’s singles title matapos padapain si Panna Udvardy ng Hungary na nagtapos sa 1-6, 7-5, 6-3 sa finals sa Guadalajara 125 Open sa Panamerican Tennis Center sa Zapopan, Mexico. 


Matagal na hinintay ng 5-foot-9 Pinay left-handed ang pagkakataong makamtan ang tagumpay kasunod ng naudlot na pangarap sa nakadismayang runner-up finish sa Eastbourne Open tourney sa United Kingdom nitong Hunyo kontra Maya Joint ng Australia na nagtapos sa dikitang 4-6, 6-1, 6-7 (10-12). 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page