top of page

V-Day gift ng BF bukod sa flowers… HALIK KAY RAYVER, KAPALIT NG GITARA NI JULIE ANNE

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 17
  • 3 min read

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Feb. 17, 2025



Photo: Julie Anne at Rayver - Instagram


Bonggacious ang ibinigay na Valentine gift ni Rayver Cruz sa kanyang lady love na si Julie Anne San Jose. 


Sinorpresa niya ang nobya nang bigyan niya ng mamahaling bass guitar. Isa na naman itong karagdagan sa mga musical instruments sa music room ni Julie Anne.


Ganoon na lang ang tuwa ni Julie Anne dahil bukod sa regalong bouquet of roses ni Rayver ay may surprise Valentine gift pang bass guitar na matagal na niyang pinangarap bilhin. Kaya naman may natanggap din na Valentine kiss si Rayver mula sa nobyang si Julie Anne.  


Marami naman ang labis na naiinggit sa tatag ng relasyon nina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz. Perfect love team sila in real life, nagkakatulungan sa kani-kanilang career at nagsisilbing inspirasyon ng isa’t isa. 


Pareho nilang iniingatan ang kanilang relasyon at parehong nangangarap na maabot ang kanilang goal sa buhay.


Wish ng mga fans nina Julie Anne at Rayver ay huwag matulad kina Barbie Forteza at Jak Roberto ang love story ng dalawa.



MARAMING fans ni KC Concepcion ang natuwa sa balitang nagkabalikan sila ng ex-BF niyang Azkals player na si Aly Borromeo. 


May post sa social media si Aly na may kasamang babae noong Valentine’s Day, at kahit nakatakip ang mukha, obvious daw na si KC ang ka-date nito.


Dating magkasintahan sina KC at Aly noong 2016. Two years din silang naging magkarelasyon bago nauwi sa paghihiwalay. 


Muling nagkrus ang kanilang landas nang dumalo si KC sa isang arts event at nagkita sila ni Aly, kaya muling nabuksan ang kanilang communication line. Marami ang umaasa na mauuwi na sa seryosong relasyon ang kanilang pagbabalikan.  


Pagdating sa aspeto ng love life ni KC, ayaw makialam ni Megastar Sharon Cuneta. Nasa tamang edad na raw si KC at kaya nang magdesisyon pagdating sa pag-ibig. Matured na ito at marami nang natutunang leksiyon sa buhay. 


Basta ang wish lang ni Shawie ay matagpuan ni KC ang lalaking tunay na magmamahal sa kanya at handa siyang ipagtanggol at ipaglaban. Hindi kailangang pantayan ng lalaki ang yaman ni KC Concepcion, basta mabait, may goal sa buhay, at magiging mabuting asawa at padre de pamilya, pasado na kay Mega.



THIRTEEN years na palang walang love life si Piolo Pascual, kaya hindi problema sa kanya tuwing sumasapit ang Valentine’s Day. 


Ito ang inamin ni Papa P nang mag-guest siya sa Toni Talks (TT) ni Toni Gonzaga.

Marami silang bagay na napag-usapan. Isa na rito ay ang love life ni Piolo. Marami ang interesado na malaman ang latest na kaganapan sa buhay-pag-ibig ng aktor.


Maging si Toni ay nagulat at hindi makapaniwala na for the longest time ay hindi na nakipagrelasyon si Piolo at nanatiling single.


Matatandaang ang huling nabalitang GF ni Piolo ay sina KC Concepcion at Shaina Magdayao. 


Paliwanag ni Papa P, kahit matagal siyang single ay hindi naman niya naramdaman na may kulang sa kanyang buhay. Masaya siya sa buhay-binata na malaya. At may mga kaibigan naman siyang nakakasama on special occasions.


Secure na rin ang kanyang future at financially stable na. Tahimik siyang namumuhay sa kanyang rest house at farm. Ramdam din niya ang payapang buhay dahil sa kanyang matibay na pananampalataya sa Diyos.  


At this point of his life, hindi siya naghahanap ng ‘someone special’ na makakasama.  



SASALI si Manny Pacquiao sa reality competition ng Netflix sa Korea, ang Physical: 100 Season 3. Ito ay isang survival show na nakatakdang ipalabas sa fourth quarter ng 2025. Tampok dito ang competition between Asian countries. 


Well, si Manny Pacquiao ang napili upang maging representative ng Pilipinas.

Kahit retirado na si Pacman sa larangan ng boxing, physically fit pa rin ang dating senador. Regular pa rin siyang nagdyi-gym, nag-e-exercise, at nagra-running.


Maalaga siya sa kanyang katawan at kalusugan. Hindi siya nagpabaya sa kanyang pisikal na pangangatawan. Hindi siya tumaba, maliksi pa rin at na-maintain ang dating timbang.


Abala ngayon si Pacman sa campaign trail dahil tatakbo siya ulit bilang senador sa darating na midterm election. Eh, papaano kaya kung mananalo ulit siyang senador, tutuloy pa kaya siya sa pagsali sa reality show na Physical: 100?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page