top of page

Uutakan ni Jerwin si Takuma sa bakbakan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 20, 2024
  • 2 min read

ni G. Arce @Sports | February 20, 2024



Nalalapit na ang pagkakataon para kay dating World titlist at challenger Jerwin “Pretty Boy” Ancajas na makuha ang ikalawang kampeonato na planong sundan ang nagdaang impresibong panalo para magamit laban kay World Boxing Association (WBA) bantamweight titlist Takuma Inoue sa nakatakdang bakbakan ng main even bout sa Pebrero 24 sa Ryogoku Kokugikan National Sumo Arena sa Tokyo.


Sa paglapag ng kampo ni Ancajas sa Japan nitong Linggo ng hapon ay malinaw sa kaisipan nitong kinakailangang mautakan at maisahan ang Japanese champion, subalit hindi inaasahan ng dating IBF super-flyweight champion na nakakakita sila ng isang knockout victory para tapusin ang katunggali. 


Nagawang tapusin ni  Ancajas (34-3-2, 23KOs) ang kanyang paghahanda at preparasyon na isinagawa sa Survival Camp sa Magallanes, Cavite, kasunod ng ilang rounds ng sparring sessions, pagsuntok sa bag at mitts, gayundin ang intense circuit at takbo upang mas mapaibayo pa ang paghahanda para makamit ang ikalawang World title.


Halos siyento-por-siyento ng handa ang 32-anyos mula Panabo, Davao del Norte bago makatapat ang nakababatang kapatid ni undisputed junior-featherweight titlist Naoya “Monster” Inoue, upang masundan ang panibagong pagkakataon na maging kampeon matapos unang beses itong maghari sa IBF super-flyweight, na kanyang hinawakan ng halos anim na taon bago tuluyang mawala sa kamay ni reigning champion Fernando “Pumita” Martinez noong 2022.


Kumana ng impresibong knockout victory sa nagdaang laban si Ancajas kontra kay Colombian boxer Wilner Soto na pinayuko sa pamamagitan ng fifth round technical knockout nung Hunyo 24 sa Minneapolis, Minnesotta. Subalit aminado si head trainer at manager Joven Jimenez na hindi nila hinahabol na makapagwagi ng knockout victory, bagkus ay kinakailangan nilang masunod ang itinatag na sistema at diskarte upang mautakan ang Japanese champion.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page