top of page

UST Junior Tigresses at Nuns-B mga kampeon sa SGVIL rising stars

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 days ago
  • 2 min read

by Gerard Arce @Sports News | May 2, 2026



NUNS CHAMPION

Photo: Circulated


Pinusuan ng husto ng University of Santo Tomas Junior Golden Tigresses ang pag-ahon pabalik sa laban para iangat tungo sa panalo sa pangunguna nina Kim Rubin at Mary Nicole Pelaez para makuha ang come-from-behind 16-25, 26-24, 19-25, 28-26, 15-10 kontra Bacolod Tay Tung sa winner-take-all Finals ng Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (SGVIL) Rising Stars Cup Division 1 kahapon sa La Salle Green Hills Gym.


Naging matibay na sandalan ng UST sina Rubin at Pelaez na nagbigay ng apat na puntos na bentahe sa UST sa 9-5 iskor sa fifth set, ngunit naging matatag ang determinasyon ni Rhose Almendralejo na hindi nito isusuko ng ganoon kadali ang laban sa patuloy na pagbira para sa Tay Tung.


Gayunman, mas lalong lumayo ang kalamangan ng Junior Golden Tigresses matapos ang magkasunod na attack errors ni Almendralejo para madala sa 13-7 ang bentahe ng UST. Sinubukang bumawi ng outside hitter mula Bacolod para tapyasin sa 13-8, ngunit agad namang sinundan ito ng isang service error ni Almendralejo para manganib sa 14-8.


Hindi agad bumigay ang Tay Tung na nakakuha ng dalawang karagdagang puntos mula kina Jhaennine Mayang at isang error ng UST para lumapit sa 14-10 ang iskor. Subalit tuluyang sinaraduhan ni Pat Mendoza ang opensiba ng Bacolod mula sa matinding butata para makamit ng UST ang panalo.


Nakuha naman ng NUNS ang Division 1 bronze medal sa pangwawalis sa Far Eastern University-Diliman sa 25-18, 25-21, 25-18, habang kampeon naman sa Division 2 ang NUNS-B laban sa Batangas High School sa iskor na 33-31, 25-17, 25-23, samantalang Bronze medal ang nakuha ng Bacolod Tay Tung sa Division 2 ng talunin ang Corpus Christi School sa 25-15, 25-21, 18-25, 25-20.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page