US jury pumanig sa kalaban, Pacman pinagbabayad ng $5.1-M
- BULGAR
- May 4, 2023
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports | May 4, 2023

Ipinag-utos ng husgado ng U.S. na magbayad ng $5.1 million o higit P282-M si 8th division World champion Manny “Pacman” Pacquiao matapos panigan ang kampo ng Paradigm Sports sa isinampang Breach of Contract.
Mula sa botong 9-3, ginawaran ng mga jury ang Paradigm Sports ng $1.8-M sa damages at inatasang magbayad ang Filipino boxing legend ng $3.3-M sa ibinigay ng naturang kumpanya. Ipinaliwanag rin ni Paradigm counsel Judd Bernstein na nabigo si Pacquiao na magampanan ang tungkulin sa kumpanya.
Idinagdag pa ni Bernstein na dahil sa isinampang breach of contract ay nawalan sila ng $22-M na kita, kabilang ang $3.3-M paunang bayad na ibinigay kay Pacquiao.
Nagsimulang magdemanda ang Paradigm kay Pacquiao nang hindi umano matuloy ang mga laban nito para sa kumpanya, kung saan nagawa pa umanong pumirma ng kontrata ng ‘Pambansang Kamao’ noong Oktubre 2020 upang itulak ang boxing match sa pagitan nina Pacquiao at two-division UFC champion Conor McGregor at iba pang mga susunod na plano.
Sinubukan ding hadlangan ng Paradigm ang laban ni Pacman kay unified welterweight champ Errol Spence Jr., na kinalaunay 'di natuloy matapos ma-injured ang American boxer at matapat noong Agosto 2021 na laban kay Yordenis Ugas na nagtapos sa 12-round UD na huling laban sa professional boxing ni Pacquiao para tumakbong Pangulo ng Pilipinas.
Ipinagtanggol ng kampo ni Pacquiao ang panig sa pagpalya umano ng Paradigm na mabigyan siya ng mga laban at endorsements at kumpletong bayad na $4-million na paunang bayad.
Ipinaliwanag ng tagapagtanggol ni Pacquiao na si Bruze Cleeland na hindi maituturing na paglabag sa kontrata ang ginawa ng kliyente dahil may karapatan itong tapusin ang anumang pakikipagsosyo sa Paradigm buhat ng hindi matugunan ng Paradigm ang kanilang obligasyon.








Comments