Urban gardening sa mga komunidad, oks kung may puwesto

ni Ryan Sison - @Boses | October 27, 2020
Nang magsimula ang lockdown, marami ang nahilig sa pagtatanim o urban gardening.
Marami ang gumawa nito bilang libangan dahil buryong na sa bahay, pero may ilang nagsimulang mag-urban gardening para may libreng mapagkunan ng kakainin.
Kamakailan, nauso ang tawag na “plantito” at “plantita” sa mga nahilig magtanim ng mga halaman sa bahay.
Kaugnay nito, hinihikayat ng Malacañang ang mga “plantito” at “plantita” na ipagpatuloy ang urban gardening para makatulong umano sa food stability ng bansa habang kinakaharap ang COVID-19 pandemic.
Kasabay nito, hinikayat din ni Cabinet Secretary Karlo Nograles ang mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng gulayan sa bawat barangay.
Dagdag pa ni Nograles, pinopromote nila sa Task Force Zero Hunger (TFZH) ang urban gardening, community garden at urban agriculture para magkaroon ng sariling taniman ang bawat komunidad upang matiyak na walang Pilipinong magugutom.
Sa totoo lang, maganda ang resulta ng urban gardening sa mga komunidad. Tulad noong enhanced community quarantine (ECQ), isang bakanteng lote ang ginawang taniman ng gulay sa iba’t ibang barangay at nakita naman natin kung gaano ito nakatulong sa mga mamamayan.
Samantala, pakiusap naman sa mga kinauukulan, ‘wag lang basta hikayatin ang publiko, sa halip, bigyan din ng kaalaman ang mamamayan tungkol sa pagtatanim para mas maengganyo ang mga ito.
Kung walang pagtataniman sa bahay, baka puwedeng gamitin ang mga nakatenggang lote na pag-aari ng gobyerno.
Para naman sa mga lokal na pamahalaan, pag-aralan ito para makatulong din sa inyong nasasakupan dahil magandang matutunan din ng mamamayan kung paano magtanim at umani ng kanilang kakainin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments