Upos ng yosi, dumagdag pa sa tambak na basura
@Editorial | Enero 27, 2024
Sangkatutak na upos ng sigarilyo ang nakolekta sa mga kalye ng Metro Manila noong nakaraang taon.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang mayorya ng mga taong nahuli dahil sa pagkakalat ay ang mga hindi nagtatapon ng upos ng sigarilyo sa wastong tapunan.
Base sa Anti-Littering Apprehension Report noong 2023, 79% o katumbas ng 12,918 indibidwal ang itinatapon lang ang sigarilyo sa lupa.
Nasa 9.4% na indibidwal naman ang nagkakalat ng papel, 8.3% sa candy wrappers, habang 2.4% naman sa ibang mga bagay.
Hindi lang sa ating kalusugan maaaring maging mapanganib ang paggamit ng sigarilyo kundi pati na rin sa ating kapaligiran.
Ang hindi pagtatapon sa tamang basurahan ng ating mga kalat ay maaaring bumara sa drainages at daluyan ng tubig.
Kaya naman, nananawagan sa lahat na maging responsable sana tayong mamamayan lalo na pagdating sa ating kapaligiran.
Pinaaalalahanan din ng MMDA ang publiko na ang mahuhuling nagkakalat ay may multang P500 hanggang P1,000, o community service sa ilalim ng MMDA Regulation No. 96-009 o ang Anti-Littering Law.
Batid natin ang epekto ng pagtatapon ng basura kung saan-saan, lalo na kapag panahon ng bagyo dahil isa ito sa nagpapalala ng pagbaha.Lagi sana nating isaisip ang kahalagahan ng tamang pagtatapon ng basura. Disiplina sa sarili at sa kapaligiran sana ang dapat pairalin kung ayaw din nating maperhuwisyo.



Comments