Buhay ng bata, hindi dapat isinusugal sa kalsada

by Info @Editorial | October 29, 2026

Nakaaalarma ang mga batang isinasakay sa motorsiklo nang walang sapat na proteksiyon. May mga sanggol na karga lamang, mga batang walang helmet, at mga pamilyang nagsisiksikan sa iisang motor.
Hindi biro ang panganib sa kalsada. Isang maling liko, biglang preno o banggaan ay maaaring kumitil sa buhay ng inosenteng bata.
Hindi sapat na dahilan ang pagtitipid o pagsasabing malapit lamang ang pupuntahan.
Dapat higpitan ng mga awtoridad ang pagpapatupad ng batas laban sa mapanganib na pagsakay ng mga bata sa motorsiklo.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10666 o Children's Safety on Motorcycles Act, may mga kondisyon bago maaaring magsakay ng bata sa motorsiklo sa mga pampublikong kalsadang saklaw ng batas.
Kabilang dito ang kakayahan ng bata na maabot ang foot pegs, makayakap nang maayos sa nagmamaneho, at magsuot ng angkop na protective helmet.
Ngunit higit sa usapin ng batas, ito ay usapin ng responsibilidad.
Mas nakababahala na tila nagiging pangkaraniwang tanawin na ang ganitong gawain sa mga lansangan. Hindi dapat masanay ang publiko sa eksenang nalalagay sa panganib ang buhay ng mga bata dahil lamang sa kapabayaan ng matatanda.
Huwag hintaying mauwi sa trahedya ang isang simpleng paglalakbay. Ang beybi ay dapat inaalagaan, hindi isinasama sa buwis-buhay na biyahe!



Comments