UPHSD ALTAS, nangunguna sa NCAA Beach Volleyball
- BULGAR
- Jan 20, 2023
- 1 min read
ni GA /VA - @Sports | January 20, 2023

Nagpatuloy sa kanilang winning streak ang University of Perpetual Help System DALTA upang manatiling nangingibabaw matapos ang unang dalawang araw ng NCAA Season 98 beach volleyball tournament na ginaganap sa Subic, Zambales.
Ginapi ng men's beach volleyball team ng Perpetual ang De La Salle-College of Saint Benilde, 21-15, 21-13, upang umangat sa markang 5-0.
Nauna rito, tinalo ng Altas duo nina Louie Ramirez at Jefferson Marapoc ang nakatunggaling Lyceum of the Philippines University (2-0).
Sa iba pang laro, wala pa ring talo ang men's defending champion Emilio Aguinaldo College tandem nina Ralph Joshua Pitogo at Joshua Ramilo.
Huli nilang tinalo ang San Sebastian College-Recoletos para sa ika-4 nilang panalo.
Sa women's division, nakalimang sunod na ring panalo ang Perpetual duo nina Mary Rhose Dapol at Janine Padua pagkaraang dominahin ang tambalan nina Harem Ceballos at Alona Caguicla ng Arellano University, 21-19, 21-18.
Samantala, sa iba pang laro, nanatiling walang panalo ang Jose Rizal University pagkaraan ng limang laro kasunod ng pagkabigo nina Rafaella Jasareno at Marianne Aloña kina Chamberlaine Cuñada at Lara Mae Silva ng Letran, 21-15, 21-7.
Umangat naman ang San Beda sa barahang 3-1, panalo-talo makaraang talunin ang Lyceum, 21-19, 21-14.








Comments