Universal meal program sa mga iskul, sagot sa malnutrisyon
- BULGAR

- Jun 6, 2024
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 6, 2024

Ang mga batang stunted o ‘yung mga mabagal lumaki dahil sa malnutrisyon ay nanganganib na magkaroon ng nutrition-related chronic diseases.
Mataas din ang tsansa na ang mga batang ito ay magpakita ng mas mababang performance sa kanilang pag-aaral na maaaring makaapekto sa kanilang productivity sa trabaho pagdating ng panahon.
Isa sa ating isinusulong ang pagpapatupad ng universal meal program upang masugpo ang mga suliraning kinakaharap ng mga kabataan pagdating sa nutrisyon — kabilang na ang stunting at undernutrition.
Tulad sa ibang bansa, dapat magkaroon din tayo ng ganitong programa para matiyak na may sapat at masustansyang pagkain ang bawat mag-aaral. Bagama’t kakailanganin nito ng malaking pondo, hindi tayo titigil na gumawa ng paraan para maisakatuparan ito.
Base sa datos ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) para sa taong 2021, humigit-kumulang 2.7 milyon o 20 porsyento ng mga batang lima hanggang 10 taong gulang ay stunted, humigit-kumulang 2.8 milyon o 21 porsyento ang underweight, at isang milyon o pitong porsyento naman ang wasted o magaan para sa kanilang timbang.
Batay sa pag-aanalisa ng departamento, pare-pareho ang nagiging benepisyaryo ng programa kada taon. Bumabalik daw kasi ang mga bata sa dating estado ng kanilang nutrisyon. Lumalabas na kulang ang 120 araw na pagtanggap nila ng school meals. Iniulat din na nanunumbalik sa pagiging malnourished ang mga mag-aaral na ito pagkatapos nilang magbakasyon ng dalawang buwan.
Ayon sa 8th National Nutrition Survey, sa mga batang may lima hanggang 10 taong gulang 29.1 porsyento sa kanila ay kulang sa timbang, 29.9 porsyento naman ang stunted o bansot, 8.6 porsyento ay wasted, habang 9.1 porsyento naman sa kanila ay sobra sa timbang.
Kaya naman hinihikayat natin ang mga guro at magulang na basahin, maging pamilyar at sundin ang mga polisiya na ipinatutupad ng gobyerno pagdating sa usaping pangkalusugan ng mga mag-aaral.
Nakakalungkot dahil maraming bata ang walang sigla dahil sa kakulangan sa masustansyang pagkain. Ang kanilang pisikal na kahinaan ay nagdudulot ng kawalan ng interes sa pag-aaral, hindi pagpasok sa eskwela, pagiging masakitin, kawalan ng ganang makipaglaro sa iba, at marami pang iba.
Hindi matututo ang batang gutom. Kaya naman, dapat tugunan ang mga isyung ito sa murang edad pa lamang. Kailangan natin itong aksyunan upang hindi lalong mapinsala ang kanilang pisikal na kalusugan at estado ng kaisipan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments