top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

United FC, Stallion, Manila at Cebu FC, bakbakan uli

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 10, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 10, 2022



Dalawang mahalagang laro ang sabay sisipa sa magkahiwalay na lugar sa pagpapatuloy ng ika-5 linggo ng 2022-2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways ngayong Sabado. Balik-aksiyon ang defending champion United City FC at pangungunahan nila ang tatlong iba pang koponan sa papalapit na pagwakas ng Round 1 ng pambansang liga.


Dadalaw ang UCFC sa Stallion Laguna FC sa Binan Football Stadium simula ng 4 p.m.


Kasabay nito ang tapatan ng Dynamic Herb Cebu FC at Maharlika Manila FC sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite.


Huling naglaro ang UCFC noong Agosto 20 sa isang 1-1 tabla sa Dynamic Herb Cebu.


Nagamit ng mga kampeon ang dalawang linggong pahinga upang magpagaling ng sari-saring sakit at pilay subalit importante na pagpagin ang kalawang laban sa beteranong koponan tulad ng Stallion.


Isa si Kenshiro Daniels sa mga nangunguna sa karera para sa Golden Boot sa kanyang tatlong goal. Pinatunayan ng UCFC ang lalim ng kanilang koponan at walong iba pang kakampi ang nag-ambag ng isang goal sa kanilang unang tatlong laro.


Susubukan ng Stallion na wakasan ang kanilang dalawang magkasunod na talo, ang huli ay isang 3-0 pagyuko sa kasalukuyang numero unong Kaya FC Iloilo na magpapahinga ngayong linggo. Kung papalarin, maaaring maagaw ng Stallion ang ikalawang pwesto kung magtatagumpay sa UCFC.


Sisikapin ng Dynamic Herb na manatiling malapit sa liderato subalit hindi sila dapat magpakampante sa kulelat na Maharlika na wala pang panalo sa limang laro. Tututukan muli si Chima Uzoka na umangat bilang pangunahing sandata ng Gentle Giants sa opensa.

Mga laro ngayong Sabado: 4:00 PM United City FC vs. Stallion Laguna FC (Binan, Laguna)

4:00 PM Dynamic Herb Cebu FC vs. Maharlika Manila FC (Carmona, Cavite)


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page