United City, nakabig ang korona ng Alcantara Cup
ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 24, 2022

Matapos hindi lumahok noong 2021, naging sulit ang paghihintay ng United City Football Club at sila na ang bagong kampeon ng Copa Paulino Alcantara sa bisa ng makapigil-hiningang 3-2 panalo sa dating kampeon Kaya FC Iloilo Linggo ng gabi sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite. Inihatid ni kapitan Mike Ott ang nagpapanalong goal sa ika-68 minuto galing sa corner kick ni Mark Hartmann para sa kanilang unang Copa buhat noong binili ng koponan ang dating Ceres Negros FC noong 2020.
Bago noon, itinabla ni Hikaru Minegishi ang laban sa 2-2 sa ika-51 minuto. Dumulas ang bola sa kamay ni Kaya goalkeeper Zach Banzon at gumulong ang ito patungo kay Minegishi na hindi nag-aksaya ng panahon na isipa ito papasok.
Pinarangalan si Ott ng Golden Ball o Most Valuable Player habang nakuha ng kakamping si Anthony Pinthus ang Golden Glove o Best Goalkeeper. May konsuwelo ang Kaya at inuwi ni Daizo Horikoshi ang Golden Boot matapos magtala ng anim na goal sa torneo.
Sinimulan ni dating Kaya Kenshiro Daniels ang puntusan sa ika-11 minuto kung saan pinalobo niya ang bola lampas kay Banzon na biglang iniwan ang kanyang goal na walang bantay. Nakabawi agad ang Kaya at pinantay ni Robert Lopez Mendy ang laban sa 1-1 matapos makipag-agawan ng bola sa nakahigang si Pinthus sa harap ng goal.
Naglabas ng isa pang alas ang beteranong si Jhan Melliza sa kanyang napakalakas na sipa sa ika-32 minuto na hindi napigil ng nag-tumbling na si Pinthus. Nanatili ang iskor hanggang halftime bago simulan ng UCFC ang kanilang malaking bawi.





Comments