top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

United City kampeon sa PFL, dinurog ang Stallion Laguna

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 8, 2020
2 min read

ni Anthony Servinio - @Sports | November 8, 2020




Walang nakapigil sa martsa ng United City patungo sa trono ng 2020 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways matapos ang 7-1 na pagdurog sa Stallion Laguna Biyernes ng gabi mula sa Philippine Football Federation (PFF) National Training Center sa Carmona, Cavite. Umangat sa 12 ang puntos ng UCFC at hindi na ito malalampasan o mapapantayan kahit na may apat pang larong nakatakda sa kalendaryo ng liga.


Ipinakita ng UCFC na gusto nila tapusin ng maaga ang laban at anim na minuto pa lang ang lumilipas ay naka-goal si Mike Ott galing sa pasa ni Bienvenido Maranon. Subalit naging maikli ang selebrasyon dahil tumabla ang Stallion sa ika-12 minuto salamat kay Ibrahima Ndour, ang pinakaunang goal na nakalusot kay goalkeeper Anthony Pinthus sa loob ng 282 minuto sa torneo.


Imbes na malungkot ay bumawi agad sa ika-25 minuto at nahanap ni Hikaru Minegishi si Takashi Odawara na inulo ang bola papasok upang mabawi ang lamang na siya ring iskor sa pagwakas ng unang 45 minuto, 2-1. Mas bumangis ang UCFC pagsapit ng second half at umulan ng kaliwa’t kanan ang mga goal simula kay Manny Ott na pinasok ang mintis ng kapatid na si Mike na tumalbog sa poste sa ika-54 minuto.


Tuluyang gumuho ang depensa ng Stallion at naitala ni Maranon ang kanyang pangalawang hat trick ng taon bunga ng tatlong goal sa ika-58, ika-66 at ang pang-tuldok sa ika-74 minuto. Nag-ambag din ng isa pang goal si OJ Porteria sa ika-71 minuto.


Sa isa pang laban noong Biyernes, sumandal ang Azkals Development Team sa dalawang goal at dalawang assist ni Jarvey Gayoso sa second half upang makamit ang 5-0 tagumpay sa Maharlika Manila at manatili mag-isa sa ikatlong puwesto na may anim na puntos. Nagdagdag ng dalawang goal si Chima Uzoka at isa pa galing kay Yrick Gallantes.


Pormal na pararangalan ang UCFC matapos ang kanilang huling laro ngayong Lunes kontra sa Kaya Iloilo na magsisimula ng 8:00 ng gabi. Bahagi rin ng kanilang gantimpala ang paglahok sa 2021 AFC Champions League bilang pinakaunang koponang Pinoy sa nakapasok sa pinakamalaking torneo ng mga Football club sa Asya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page