top of page

United at Kaya FC, magsasagupa; 4 pang teams abangan sa NBL/WNBL

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 17, 2022
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 17, 2022



Magtutuos ang dalawang higante na defending champion United City FC at Kaya FC Iloilo sa pagsasara ng Round 1 ng 2022-2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways ngayong Sabado sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite ng 4 p.m.


Layunin ng Kaya na panatilihing perpekto ang kartada sa limang sunod-sunod na panalo para sa 15 puntos at numero uno sa liga. Kasalukuyang pangalawa ang United City na may 10 puntos buhat sa tatlong panalo at isang tabla.


Galing ang United City sa isang 4-2 tagumpay sa Stallion Laguna FC noong nakaraang linggo. Bumuhos agad ng mga goal sina Kenshiro Daniels (10’), Amirbek Juraboev (51’), Ricardo Sendra (63’) at Mark Hartmann (71’) para sa 4-0 lamang subalit binawasan ito ng Stallion salamat kay Jo Warren Bedia (81’) at aksidenteng pagpasok ni Alan Robertson ng bola sa sariling goal (87’).


Bumunot ang Kaya ng liban at mabuti ito upang mapaghandaan ng mabuti ang paghamon sa kampeon. Huling sumalang ang Kaya noong Set. 3 kung saan nanalo sila sa Stallion, 3-0.


Samantala, may dagdag na teams sa torneo ng National Basketball League (NBL) at Women’s National Basketball League (WNBL) ngayong taon. Malugod na ibinalita ng kambal na ligang propesyunal ang pagpasok ng Aclan Group of Companies (AGC). Sa NBL President’s Cup, ang AGC ay may 3 koponan, ang J Paul Oils-Las Pinas Oil Machine, J Aclan Construction-Muntinlupa Constructions at Kingsland Catering-Laguna Kings.


Sa WNBL 2nd Conference, ang Lady APOL o pinaikling “Ang Pilipino Online Lumalaban”.


Pormal na nilagdaan ang kasunduan sa AGC nina AGC CEO John Paul Aclan at NBL Exec.VP Rhose Montreal saksi sina AGC Chief Financial Officer Mary Rose Aclan at Sports Director Jerry Codinera at NBL Commissioner Edward Aquino.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page