Unclaimed COVID-19 cash aid, gamit sa bagong modus, ingat!
ni Ryan Sison - @Boses | July 26, 2022
Huwag ipagkatiwala ang mga sensitibong impormasyon sa hindi kilala.
Ito ang babala at paalala ng pulisya sa publiko tungkol sa modus na kumukuha ng sensitibong impormasyon mula sa mga indibidwal bilang kapalit ng “unclaimed” COVID-19 cash aid mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Binigyang-diin pa ng pulisya ang nakapaloob sa Data Privacy Act of 2012, na kailangang limitahan ng mga ahensya ng gobyerno ang pagtatanong hinggil sa mga personal at sensitibong impormasyon ng mamamayan.
Inihalimbawa rin ng pulisya ang ang insidente kamakailan ng panloloko ng isang nagpakilalang opisyal ng DSWD na nag-aalok ng tulong kapalit ng pera. Habang nakapag-ulat na rin ng parehong kaso ang ahensya kung saan nakatanggap ng tawag ang isang biktima mula sa hindi kilalang caller at hiningi ang kanyang mga sensitibong impormasyon kabilang ang bank account at sinabing kapalit ito ng unclaimed COVID-19 cash aid.
Hindi ito ang unang pagkakataon na ginamit ng mga kawatan ang mga programa ng gobyerno para makapambiktima.
Nakakadismaya dahil imbes na matuldukan ay lalo pang dumadami ang mga kawatan. Ang masaklap pa, mga ordinaryong mamamayan ang nabibiktima.
Hindi nagkulang sa pagpapaalala at pagbibigay-babala ang pulisya, kaya bilang mamamayan, sana’y gampanan din natin ang obligasyon na ingatan ang ating mahahalagang impormasyon.
At kayong mga kawatan, may kalalagyan din kayo. Tama na ang panloloko.
Nagpayo naman ang pulisya na kung sakaling maharap sa kaduda-dudang sitwasyon kung saan hinihingi ang personal na impormasyon, agad na ipagbigay-alam sa pinakamalapit na police station upang maaksiyunan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments