Unang panalo, itinala ng Mendiola FC vs. Manila
ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 6, 2022

Gumawa ng himalang goal sa huling minuto si kapitan Jim Ashley Flores upang itulak ang Mendiola FC 1991 sa kanilang pinakaunang panalo kontra sa Maharlika Manila FC, 1-0, sa pagpapatuloy ng 2022-2023 Philippines Football League (PFL) handog ng Qatar Airways Lunes ng gabi sa Imus Grandstand sa Cavite. Nanatiling walang panalo ang Maharlika sa pagtatapos ng unang buwan ng pambansang liga.
Patungo sa tabla ang dalawang panig hanggang dumating ang pagbayani ni Flores sa ika-90 minuto. Kahit nagdagdag ng apat na minuto ang reperi, kumapit ng mabuti ang Mendiola para mauwi ang buong tatlong puntos matapos mabigo sa unang tatlong laban.
Ang tagumpay ng Mendiola ay umagaw ng pansin sa mga laro noong Sabado kung saan umarangkada ang Kaya FC Iloilo sa kanilang ika-limang panalo at solong liderato sa bisa ng 3-0 paglampaso sa matinding karibal na Stallion Laguna FC. Sa unang laro, nagdikdikan sa gitna ng malakas na ulan ang Azkals Development Team at Dynamic Herb Cebu FC sa 0-0 tabla.
Nagrehistro ang Kaya ng 14 manlalaro lang bunga ng sabay-sabay na sakit at pilay sa koponan. Kahit salat sa tao, inilabas pa rin ng Kaya ang kanilang matinding opensa simula kay Jarvey Gayoso na tumanggap ng eksaktong pasa mula kay Mar Vincent Diano at pumihit para sa unang goal sa ika-38 minuto.
Agad dinoble ni kapitan Jovin Bedic ang lamang, 2-0, sa ika-41 minuto buhat sa isang corner kick na gumulong patungo sa kanya. Tinuldukan ni Daizo Horikoshi ang pagbaha ng goal sa kanyang free kick sa ika-64 minuto na lumampas sa depensa at tumalbog papasok.





Comments