top of page

Unahin lagi ang kapakanan ng mahihirap at higit na nangangailangang mga Pilipino

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 22, 2023
  • 4 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | April 22, 2023


Gaya ng madalas kong sabihin, hangga’t kaya ng aking oras at katawan ay nililibot natin ang buong Pilipinas para ilapit ang serbisyo ng pamahalaan sa ating mga kababayan.


Bukod sa aking mga gawain sa Senado, gusto kong personal na nakakausap ang aking mga kapwa Pilipino, naririnig ang kanilang mga hinaing, at sa abot ng aking makakaya at kapasidad ay makapagbigay ng tulong at ngiti sa oras ng kanilang pagdadalamhati.

Ngayong Abril 22, nasa probinsya tayo ng Quirino upang makiisa sa 6th Quirino Motorismo event. Dinadaluhan ito ng libu-libong motorcycle enthusiasts, at isa sa tourist attraction sa nasabing lugar. Suportado natin ang mga ganitong aktibidad dahil isa ang turismo sa mga behikulo para umunlad ang ekonomiya sa mga probinsya.


Matapos ito ay nagtungo ako sa Quirino Province Medical Center sa Cabarroguis upang magsagawa ng Malasakit Center monitoring at mag-abot ng tulong sa mga pasyente at frontliners doon.

Patuloy nating sinusubaybayan ang mga naitatag na Malasakit Center para matiyak na maayos na nagagampanan nito ang pagkakaloob ng tulong medikal sa ating mga kababayan, lalo na ang mahihirap at walang malalapitan maliban sa pamahalaan, nang hindi na sila magpapalipat-lipat sa mga tanggapan ng pamahalaan dahil nasa iisang bubong na ang mga ahensyang makakatulong sa kanila.

Pumunta rin ako sa bayan ng Saguday upang tingnan ang kasalukuyang kalagayan ng itinatayong Super Health Center sa nasabing bayan. Ang Super Health Center ay bahagi ng ating adhikain bilang Chair ng Senate Committee on Health, at sa suporta na rin ng aking mga kapwa mambabatas at Department of Health (DOH), na mas mapalakas pa ang ating healthcare system at mailapit sa ating mga kababayan sa malalayong komunidad ang kinakailangan na serbisyong medikal.

Kabilang sa mga serbisyong hatid ng SHCs ang database management ng mga pasyente, outpatient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: X-Ray at ultrasound), pharmacy, and ambulatory surgical unit. Ang iba pang kayang maipagkaloob nito ay eye, ear, nose and throat (EENT); oncology centers; physical therapy and rehabilitation center; at maging telemedicine kung saan maaaring magpakonsulta ang pasyente sa pamamagitan ng pagtawag sa SHC. Nagbigay din ako ng tulong sa 500 benepisyaryo sa lugar.

Tumutulong din tayo sa pagpapatayo ng mga imprastruktura na makakatulong sa iba’t ibang sulok ng bansa. Kahapon ay sinaksihan natin ang groundbreaking ng itatayong Girl Scouts of the Philippines Training Center Multi Purpose Hall sa Toril, Davao City. Matapos nito ay bumisita tayo sa Calbayog City, Samar para alamin ang sitwasyon ng 216 residente na biktima ng sunog. Pinagkalooban natin sila ng tulong, gayundin ang 1,000 mahihirap na residente roon. Nag-inspeksyon din tayo sa itinatayong Super Health Center sa bayan ng Sta. Margarita sa Samar, at pinangunahan din ang pamamahagi ng tulong sa 1,000 mahihirap na residente sa lugar.

Masugid din nating sinusuportahan ang local government units na lagi nating katuwang sa paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan, lalo na kapag naghahatid tayo ng tulong sa kanilang mga nasasakupan.

Dinaluhan natin noong Abril 20 ang Philippine Councilors League Quezon Chapter seminar na ginanap sa Davao City. Kinagabihan ay sinamahan ko ang mga konsehal sa pagbisita kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Nagpasalamat sila sa anim na taong serbisyo ni Tatay Digong bilang pangulo ng bansa.

Ipinagbilin namin sa kanila na importanteng tandaan ng lahat na halal na opisyal—national man o local—na iisa ang aming layunin: ang maglingkod sa taumbayan. Sabi ko nga sa kanila, sa totoo lang, pareho lang ang trabaho namin. Ang ipinagkaiba lang, sila ay sa municipal o city level, habang kaming mga senador ay sa national level.

Nanawagan din tayo sa mga konsehal na sa kanilang pagganap sa tungkulin, laging isaisip ang mga prinsipyong nagsisilbing gabay sa kanila bilang mga lingkod-bayan.


Ipakita natin at maging halimbawa tayo ng katapatan, maging masugid sa ating tungkulin at magkaroon ng pananagutan sa ating mga responsibilidad. Lagi nating unahin ang kapakanan ng mahihirap at higit na nangangailangan, lalo na ang mga hopeless at helpless nating kababayan na walang ibang malalapitan kundi ang pamahalaan.

Masaya naman akong ibalita na kasabay ng kanilang 25th Charter Anniversary, ginanap ang groundbreaking ceremony noong Abril 20 ng Tarlac City General Hospital sa Bgy. Binauganan, Tarlac. Naging instrumento tayo para mapondohan ang pagpapatayo ng nasabing ospital na magiging malaking tulong sa paghahatid ng de-kalidad na serbisyong medikal sa mga Tarlaqueños at karatig na lugar. Bahagi rin ito ng ating adhikain na mas mapalakas pa ang healthcare system sa buong bansa. Kung mas maraming ospital na maipatatayo, mas mapapangalagaan ang kalusugan ng mga Pilipino.

Hindi naman natin kinakaligtaang marating at mapagkalooban ng tulong ang iba pa nating kababayan sa iba’t ibang lugar na nahaharap sa iba’t ibang krisis. Naalalayan ng aking opisina ang mga biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog gaya ng 118 residente ng Bgy. Lapasan, Cagayan de Oro City; at 27 pa sa Tagoloan, Misamis Oriental.

Pinagaan din natin ang dalahin ng mahihirap na residente sa malalayong komunidad gaya ng 1,427 benepisyaryo mula sa iba’t ibang bayan ng Zambales; at 350 sa Bgy. 17, Cagayan de Oro City.


Nagsagawa rin tayo ng serye ng pamamahagi ng ayuda sa mga lugar sa Agusan del Sur at naabutan ang 200 sa Talacogon; 100 sa Sibagat; 100 sa Bayugan; 100 sa Esperanza; 100 sa Prosperidad; at 100 pa sa La Paz.

Umaasa ako na sa ating paghahatid ng serbisyo at malasakit sa ating mga kababayan ay maging inspirasyon din ito sa ating kapwa na gawin ang abot ng makakaya upang makatulong sa iba pang nangangailangan. Magkaisa at magbayanihan tayo para alalayan ang ating mga kapwa Pilipino tungo sa mas magandang kinabukasan.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page