top of page
WINNER - SEN. ROBIN, IPINAGDIINANG DDS SI JOSHUA-FB Robin Padilla.jpg

Unahan sa first championship ang Eco-Oil DLSU at Marinero

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 21, 2022
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 21, 2022



Unang kampeonato ang parehong layunin ng EcoOil-De La Salle at Marinerong Pilipino sa pagsisimula ng seryeng best-of-three para sa 2022 PBA D-League Aspirants Cup ngayong Linggo sa Araneta Coliseum. Nakatakda ang simula ng aksiyon sa 12:00 ng tanghali at tiyak mag-uunahan ang dalawang koponan na gutom para sa tagumpay.


Kahit marami na ang kanilang tropeo sa UAAP, hindi pa nakakatikim ng kampeonato ang Green Archers sa D-League at ito ang una nilang pagpasok sa finals. Sa panig ng Skippers, naaalala pa rin nila ang mapait na pagkabigo nila sa BRT Sumisip-St. Clare noong 2019 Foundation Cup Finals bilang motibasyon na makabawi.


Asahan na bubuhatin ang mga koponan ng mga nangungunang kandidato para sa Most Valuable Player na sina Michael Phillips ng EcoOil at Juan Gomez de Liano ng Marinero.


Subalit parehong naniniwala ang dalawa na mas mahalaga ang kampeonato kumpara sa indibidwal na karangalan.


Patuloy na nagpapamalas ng lakas sa ilalim at depensa si Phillips na nagtala ng 14 puntos, 13 rebound, limang tapal at apat na agaw sa kanilang 97-74 panalo sa Adalem Construction-St. Clare sa Game 3 ng semifinals. Kailangan uminit muli ang shooting nina Cyrus Austria at Deschon Winston upang mapabuti ang tsansa na makuha ng Green Archers ang mahalagang Game One.


Malalaman bago ang laro ang estado ni Kevin Quiambao na bahagi ng Gilas Pilipinas na naghahanda para sa mga laro nito kontra Lebanon at Saudi Arabia sa susunod na Linggo. Kagagaling o nagpapagaling pa ng pilay sina Joaquin Manuel, Emmanuel Galman, JC Macalalag at Mark Nonoy.


Ang Game 2 ng serye ay gaganapin agad sa Miyerkules, Agosto 24, sa Araneta Coliseum muli. Kung kailangan, ang winner-take-all Game Three ay sa susunod na Linggo, Agosto 28, sa parehong palaruan.


Laro ngayong Linggo – Araneta Coliseum 12:00 PM EcoOil-DLSU vs. Marinerong Pilipino

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page