Umiwas sa paputok, huwag pasaway!
ni Ryan Sison @Boses | December 28, 2023
Upang maiwasan ang anumang pinsala na maaaring maranasan, mas mabuting ipaubaya na lamang sa mga propesyonal ang pagsasagawa ng fireworks display sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ito ang apela ng Department of Health (DOH) sa publiko, kung saan sinusuportahan nila ang panawagan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipagbawal ang paputok sa pagdiriwang ng New Year, subalit may kalakip na kondisyon.
Ayon kay DOH Undersecretary Eric Tayag, suportado nila ang nais ipatupad ng DILG, pero binibigyan din naman nila ng pang-unawa ang apela ng industriya ng paputok na maibenta ang kanilang mga produkto.
Paliwanag ng opisyal, hindi talaga maiiwasan na mayroong magpapaputok dahil sa nakagisnan na ito ng mga Pilipino sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Gayunman, paalala ni Tayag na gawing maayos ng mga namamahala ng fireworks display ang pagsasagawa nito at ibigay lamang sa mga propesyonal para walang madamay o maaksidente.
Matatandaang sa datos ng DOH, umabot na sa 52 ang naitalang fireworks-related injuries bago pa ang Bagong Taon, na ang iba rito ay nai-report na nanonood lamang at hindi talaga nagpaputok.
Hinikayat na rin naman ang mga local government unit (LGU) na mag-sponsor na lang ng pagsasagawa ng mga firework display sa kanilang lugar para makaiwas sa disgrasya.
Kaugnay nito, maraming mga kostumer ng mga paputok ang nagulat dahil sa mas murang mga presyo ng mga naturang produkto ngayong taon.
Sa bayan ng Bocaue sa Bulacan, bumaba ang mga presyo ng mga firecracker ng hanggang 30 porsyento kumpara noong nakaraang taon, na may sapat na suplay batay sa mga dealer at manufacturers para sa mas mababang presyo.
Unti-unti na ring dinarayo ang mga tindahan ng paputok sa Bocaue upang samantalahin ang mas murang mga presyo nito, na nagsimula nang maaga para sa kanilang paghahanda sa New Year.
Ayon sa isang kostumer na nanggaling pa sa Cavite, umabot lamang sa P25,000 ang halaga ng iba’t ibang paputok na kanyang nabili sa Bulacan. Gayundin, ang isa pang buyer na mula naman sa Tarlac na dumayo sa Bocaue, nasa P16,000 lang ang nabili niyang napakaraming paputok.
Sinabi naman ni Lea Alapide, presidente ng Philippine Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association Inc., na mas mabilis ang negosyo ngayong taon dahil mas mababa ang mga presyo habang hindi nagbabago ang supply.
Payo niya sa mga kostumer na bumili lamang ng kanilang mga paputok mula sa mga lisensyadong dealer, at iwasan ang pagbili ng mga paputok online para na rin sa kanilang kaligtasan.
Ang pagdiriwang ng Bagong Taon ang pinakahihintay na selebrasyon nating mga Pilipino.
Kasabay ng ating tradisyon ang pag-iingay sa pagsalubong ng panibagong taon. Kaya naman hindi maiiwasan na sa bawat pamilya ay ginugustong magpaputok dahil sa paniniwalang magtataboy ito ng malas at maghahatid din ng suwerte sa taong papasok.
Paalala lang sa ating mga kababayan na magdoble ingat na lamang tayo nang hindi madisgrasya o mapinsala ng paputok.
Sakali namang may asthma o kahalintulad nito ay iwasan na nating lumabas ng bahay para hindi na mag-trigger pa ito ng sakit. Sundin din natin ang mga panawagan ng kinauukulan at huwag maging pasaway. Higit sa lahat, mas piliin nating maging ligtas sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments