top of page
Search
  • BULGAR

Umiinit na panahon, umiinit din sa pulitika

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 27, 2024



Fr. Robert Reyes


Umiinit ang panahon at umiinit din ang sitwasyon. 


Dahil sa init, madalas-dalas na ring isuspinde ang klase ng mga mayor, at mga presidente at principal ng mga unibersidad, kolehiyo at siyempre kasama ang mga mataas at mababang paaralan. 


Kausap natin noong isang araw ang isang kababata, na nagbiro na noong araw kung may “suspension of classes” ay dahil sa matinding ulan at baha. Kakaiba na talaga ngayon dahil  suspendido ang mga klase dahil sa matinding init at kawalan ng tubig. 


Kung mamimili tayo ano kaya ang mas magaang na dahilan ng pagkawala ng klase o trabaho, ang matinding init at kawalan ng tubig o ang matinding ulan at sobrang tubig?

Wala tayong pagpipilian. Parehong masaklap na magdudulot ng trahedya ang sobrang init at walang tubig, at sobrang ulan at sobrang tubig. 


Walang ganitong mga sukdulang sitwasyon noong araw. Mayroong bagyo at matinding ulan ngunit hanggang “Yoling” at “Dading” lang. Pero ngayon ay may “Ondoy” at “Yolanda” na tinatawag na mga ‘”super,” “mega” typhoons na susundan pa ng mga mas matindi pang bagyo kung hindi tayo magbabago. 


Ganu’n din sa malubhang tag-nit at kawalan ng tubig. Hindi pa ito ang pinakamainit at pinakatuyong tag-init dahil darating pa ang mas matinding tag-init at kawalan ng tubig.

Dahil sa matinding init at kawalan ng tubig, humaharap na ang maraming lugar sa krisis. Ito ang dahilan ng pagpapalaganap ng mga obispong Katoliko ng panalangin para sa ulan.


Ito ang mahahalagang elemento ng panalangin para sa ulan:

Una, pasasalamat sa mundong tahanan ng lahat (Papa Francisco); para sa ating mga pamilya at kaibigan, sa ating mga pamayanan at kapwa.


Pangalawa, bilang iisang nilikha, humihingi ang lahat ng tubig para sa aming buhay.


Nais naming mabuhay.


Pangatlo, sinisira ng tagtuyot ang ating kapaligiran. Nanganganib ang ating mga ugnayan dahil sa El Niño.


Pang-apat, humihingi kami na turuan kami na maging bukas-palad sa gitna ng kawalan ng tubig. Nawa’y higit kaming tumugon sa pangangailangan ng iba. Turuan kaming higit na magbahagi, magmalasakit, maglingkod at magmahal.


Panlima, ituro ninyong makita at tugunan namin ang paghihirap ng mundo, ng kalikasan. Ituro ninyong ibalik namin ang kagandahan ng kalikasan at ang dating kalusugan ng kalikasan na sinira namin.


Pang-anim, damhin ninyo kami at padalhan ng luha ng langit, ang inyong ulan sa amin. Kaawaan ninyo kami. Nagmamakaawa kami! 


Nawa’y padala ninyo ang ulang lubhang kailangan namin. Amen.

Kasabay ng init at kakulangan ng tubig sa kapaligiran, kapansin-pansin din ang kakaibang init ng mga magkatunggaling puwersa sa loob at labas ng ating bansa. 


Hindi humuhupa ang panggigipit ng bansang China sa atin. Nagsisimula na ring magpakitang puwersa at pagkakaisa para sa ating kapakanan ang iba’t ibang bansa. 

Mainit kung mainit ang sitwasyon, ngunit ang positibong bunga nito ay ang lumalakas na pagmamahal at pamamalasakit para sa Inang Bayan at sa mga kapwa mamamayan. Tumitindi ang mga emosyon sa tuluy-tuloy na panggigipit sa atin, at dumarami at lumalaki ang bilang ng mga nagmamahal at nais kumilos para kay Inang Bayan. 

Nagsalita rin kamakailan ang anim na obispong Pilipino na lider ng mga diyosesis na nasa parte ng West Philippine Sea. 


Hindi giyera ang gusto naming at malinaw na hindi namin tatangkilikin ang giyera.

Ngunit, aming hinihikayat ang mga mamamayang Pilipino na huwag matakot, magsalita at magkaisa upang makita’t maramdaman ang lumalaking puwersa ng pagkakaisa ng taumbayan.


Umuugnay din sa usaping kapayapaan at soberanya ang labanan ng mga magkatunggaling puwersa sa pulitikang Pilipino. 


Sinusubaybayan ngayon ng marami ang unti-unting paglala ng bangayan ng dating Pangulong Rodrigo Duterte at Presidente Bongbong Marcos. Maaanghang ang palitan ng salita at marami na ring nagtatanong kung ilan ang naniniwala na buo pa ang UniTeam nina Marcos-Duterte.


Hindi ko alam kung gaano lalala o magkakaroon ng solusyon o katapusan ang bangayang Marcos-Duterte? 


Mabuti pa ang init at kawalan ng tubig at marami nang nagdarasal kasama ng mga obispong Pilipino na umulan at tuluyan nang matapos ang El Niño. 


Namumuo na rin tuwing umaga ang mga maiitim na ulap. Ulan? Sana’y umulan na talaga. Mas sigurado ang ulan kaysa sa paghupa ng init ng mga puwersang sumusuporta sa mga nag-uumpugang puwersang pulitikal ng ating bansa.


Mas sigurado ang pagdating ng ulan dahil totoo ang kalikasan at totoo rin ang mga sangkap nito. Tunay ang tubig, ang mga ulap at totoo ang araw at hangin. At totoo ang mga nagmamahal sa kalikasan.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page