Umento sa sahod, wala sanang dehado, lahat panalo
@Editorial | Pebrero 12, 2024
Maraming manggagawa ang natuwa nang ipanukala sa Kongreso ang P100 dagdag-sahod.
Sa taas nga naman ng presyo ng mga bilihin, malaking tulong ang umento.
Gayunman, posible umanong hindi kayanin ng mga maliliit na employer ang panukala, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
May kabigatan umano para sa mahigit 900,000 negosyo na nasa kategorya ng micro, small at medium enterprises ang P100 dagdag-sahod.
Bukod sa P100 na dagdag sa minimum wage kada araw, madaragdagan din umano ang mga benepisyo ng mga manggagawa na sasagutin din ng mga employer.
Bagama’t maaari rin namang iba-iba ang opinyon kung kakayanin talaga ng mga employer na masuportahan ang P100 umento.
Para sa DOLE, mas tinitingnan umano nila kung paano mapapanatili ang mga negosyo, habang nakakalikha ng mga dagdag na trabaho.
Kung mas marami umano ang trabaho na maiaalok at mas mababa ang bilang ng mga naghahanap ng trabaho, dito susunod ang “market forces” kung saan mapipilitan ang mga employer na sumabay sa mga benepisyo para makakuha ng angkop sa kanilang empleyado.
Sa ngayon, mas dapat umanong tulungan ang mga maliliit na negosyo lalo na’t nanggaling ang mundo sa pandemya.
Sana, mapag-aralang mabuti ang panukala. Hindi puwedeng isang sektor lang ang makinabang habang may ibang talo.
Para naman sa mga employer na may kakayanang magpasahod pero ‘di sumusunod sa batas, kailangan din silang panagutin.



Comments