Umaasang makakabalikan ang ex-BF na naging dyowa ng BFF
- BULGAR
- Aug 10, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 10, 2021
Dear Maestro,
May boyfriend ako noon, pero naghiwalay kami at naging sila ng bestfriend ko. Kahit pa sila na, nararamdaman kong mahal niya pa rin ako at kaya niya ginagawa ‘yun ay dahil nais niya lang akong pagselosin.
Maestro, muli ba kaming magkakabalikan ng ex-boyfriend ko at tama ba ang hinala ko na mahal pa rin niya ako o mas mahal na niya ang bestfriend ko? November 19, 1998 ang birthday ko, habang February 12, 1997 naman ang ex ko at October 8, 1999 ang bestfriend ko.
Umaasa,
Ms. Scorpio ng San Roque, Cardona, Rizal
Dear Ms. Scorpio,
Huwag mo nang asahang bumalik ang iyong ex-boyfriend na isinilang noong February 12, 1997 na napunta na sa bestfriend mo na may birthday namang Octoebr 8, 1999. Dahil ang zodiac sign mong Scorpio at Aquarius ang ex-boyfriend mo ay nagsasabing hindi naman kayo compatible sa isa’t isa. Sa halip, ang tunay na ka-compatible ng ex-boyfriend mo — ‘wag ka namang malulungkot— ay ang bestfriend mo na may zodiac sign na Libra. Ibig sabihin, anuman ang mangyari, mahal man ng ex-boyfriend mo o hindi ang kasalukuyan niyang girlfriend, tiyak ang magaganap, sa bandang huli ay posibleng sila na ang magkatuluyan.
Kaya tulad ng nasabi na, pabayaan mo nang lumigaya sa ibang babae ang ex mo habang hayaan mo namang lumigaya ang bestfriend mo sa ex-boyfriend mo. Kapag maluwag sa loob mong tinanggap ang mga pangyayari, kapag sila na ang nagkatuluyan, hindi ka naman lalabas na kaawa-awa at luhaan dahil binalewala mo nang lahat ang nagdaang relasyon ninyo ng ex-boyfriend mo. Sa isang dahilan lang, hindi naman kayo talaga compatible at kahit makasama mo pa siya habambuhay ay hindi naman kayo tiyak at lubusang magiging maligaya.
Samantala, sa susunod na pakikipagrelasyon, upang hindi ka na muling iwanan at mabigo, humanap ka ng isang lalaking katugma at ka-compatible mo talaga.
Sila ang mga lalaking isinilang sa zodiac sign na Cancer, Pisces, Taurus at kapwa mo Scorpio, higit lalo silang mga isinilang sa petsang 4, 13, 22, 31, 2, 11, 20, 29, 7, 16 at 25. Sa piling ng ganyang klaseng lalaki, tiyak ang magaganap – magkakaroon ka na ng panatag at panghabambuhay na relasyon.
Samantala, ang nasabing pangyayari kung saan magkakaroon ka na ng panatag at panghabambuhay na relasyon, sa isang lalaking ka-compatible mo talaga, kaya hindi ka na niya iiwan ay natakdang maganap sa taong 2023 hanggang 2024 sa edad mong 25 pataas.



Comments