top of page
TALKIES - BIMBY, GUSTONG MAG-ASAWA NANG MAAGA PARA MAIHATID NINA KRIS AT BOY SA ALTAR_FB B

Ultimatum, tapos na... PNP, nagmakaawang sumuko na si Bato

Writer: BULGAR
BULGAR
3 hours ago
2 min read

by Jeff Tumbado @News | October 31, 2026



ANG pagsabog ng Bulkang Mayon sa Albay, kahapon, Oktubre 30. Nagbuga ito ng makapal na abong umabot sa tatlong kilometro ang taas. (Courtesy: Mayor Hisham Ismail/FB)

Photo: Ronald Bato Dela Rosa / FB / File



Muling nanawagan ang Philippine National Police (PNP) kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na kusang sumuko sa mga awtoridad kasabay ng pagtatapos ng ibinigay na pitong araw na ultimatum kahapon, Oktubre 30.


Tiniyak naman ng PNP na hindi ito uurong sa tungkuling ipatupad ang arrest warrant laban sa senador, ngunit iginiit na nais nitong maresolba ang sitwasyon nang mapayapa at walang masaktan.


Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Joseph Wilson Lopez, wala pa silang natatanggap na anumang pahiwatig mula kay Dela Rosa o sa kampo nito hinggil sa posibilidad ng kusang pagsuko.


Hinimok din ni Lopez ang senador na alalahanin ang dati nitong tungkulin bilang hepe ng PNP at ang ugnayan nito sa mga pulis na itinuring niyang parang isang ama sa kanyang mga anak.


“Kung sa puso niya ay naroon pa ang kanyang pagiging tatay ng Philippine National Police, alam kong hindi niya hahayaan na mayroong isa o dalawa o any member of the Philippine National Police na masaktan,” ani Lopez.


Patuloy aniya silang nananawagan at nakikiusap kay Dela Rosa na sumuko na upang maiwasan ang anumang posibleng problema o komprontasyon sa operasyon.

“[...] Patuloy po kaming nagsusumamo sa kanya na sumuko na po siya para maiwasan po natin ang lahat po ng magiging problema.”


Matatandaang noong Oktubre 23, nagbigay ang PNP ng isang linggong palugit kay Dela Rosa upang kusang sumuko.


Kasabay nito, inanunsyo rin ang P50 milyong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong hahantong sa pagkakaaresto ng senador.


Samantala, nilinaw ni Lopez na hindi pagbabanta kay Dela Rosa ang pahayag ng PNP, kundi bahagi lamang ng kanilang tungkuling ipatupad ang umiiral na arrest warrant.

Ayon pa sa opisyal, pinaigting na ng PNP ang paghahanap sa senador at may nakatalagang pangkat na nakatutok sa operasyon.


Tiniyak naman ni Lopez na sapat ang puwersa ng PNP para sa operasyon, habang nakahanda ring magbigay ng suporta ang Armed Forces of the Philippines (AFP), kabilang ang paggamit ng mga asset nito sa himpapawid at karagatan kung kinakailangan.


Nauna nang nagbabala si Interior Secretary Jonvic Remulla sa posibleng pagdanak ng dugo sakaling gumamit ng puwersa ang mga awtoridad sa pag-aresto kay Dela Rosa.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page