Ultimate Cat, nambulaga
- BULGAR
- Jan 24, 2022
- 2 min read
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | January 24, 2022
Binulaga ni Ultimate Cat ang mga liyamadista matapos manalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System kahapon sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Nirendahan ni jockey RC Suson, sinilat ni Ultimate Cat ang mga naliyamadong sina Blown Away at Adarna sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Inilista ng anak nina Ultimate Goal at Elusive Cat ang tiyempong 1:28.6 sa 1,400 meter race sapat upang ibulsa ng horse owner na si WB Manalo ang added prize na P5,000.
Nasegundo sa nasabing laban si Blown Away kung saan nagbigay ng dibidendo sa forecast na P2,221.00, tersero si Kissing Bandit, P35,186.50 naman ang ibinigay sa trifecta.
Pang-apat na tumawid sa meta si Dream Team habang pang-lima si Adarna, nagkaroon naman ng carry over na P15,063.21 sa pentafecta.
"Ang sarap tamaan ang lalaki ng bigayan, kahit trifecta lang sigurado boundary," saad ni Celso De Valle, karerista.
Samantala, bumilib ang mga karerista noong Sabado ng hapon nang manalo si Namayan sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na inilarga sa parehong lugar.
Nakipag-ubusan ng lakas si Namayan kay Eye Opener at kinuha ng winning horse ang liderato sa kalagitnaan ng karera.
Pagsapit ng huling kurbada, bakbakan pa rin ang anak nina Top Biling at Open Slew na si Namayan at Eye Opener habang si Born In April ay nagbabadyang kumuha ng unahan.
Tangan ni Namayan ang isang kabayong bentahe kay Eye Opener sa rektahan habang si Born In April ay malakas naman ang dating.
Pero nanatili ang tikas ni Namayan at nanalo ito ng may isang kabayo ang agwat ng Born In April.
Sakay si AR Villegas, inirehistro ni Namayan ang 1:25.6 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng horse owner ang added prize na P10,000.





Comments