top of page
Search
  • BULGAR

Ugali, natuklasan nang makasama sa serye…IBINUKING NI PAULO: ANGELICA AT ARCI, PAREHONG MALDITA!

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | September 27, 2020




Sayang, nagpapaalam na ang buong cast ng Walang Hanggang Paalam sa ginanap na virtual presscon gamit ang Zoom app nitong Biyernes nang gabi kaya hindi na kami nakapag-follow-up ng tanong kay Angelica Panganiban kung bakit niya nasabing huling teleserye na niya ito.


Tinanong kasi ang lahat ng cast ng WHP na sina Jake Cuenca, JC Santos, Tonton Gutierrez, Lotlot de Leon, Ronnie Lazaro, McCoy De Leon, Mary Joy Apostol, Sherry Lara, Victor Silayan, Javi Benitez, Cherry Pie Picache at Angelica kung bakit mahalaga at kailangang panoorin ang seryeng ito.


Maraming nagulat sa sagot ni Angge, “Masyadong personal sa akin kung bakit siguro magiging importante itong Walang Hanggang Paalam kasi dito rin ako nakapag-decide kung ano talaga 'yung mahalaga sa buhay.


“So, masaya ako ngayon na i-share at masaya ako dahil ang nakasama ko sa project na ito, itong mga director na ito, itong grupong ito, mga artistang ito, dahil gusto ko na magpaalam sa larangan ng teleserye. So, maraming-maraming salamat sa lahat ng mga nagawa kong projects sa ABS-CBN.


“I’m not leaving ABS-CBN, siguro hanggang dito na lang po ang mga trabahong gagawin ko pagdating sa soap opera. 'Di ba exciting? Masarap panoorin dahil huling project ko na ‘to. Graduate na po ako sa teleserye.


“So alam ko na ito’y tatatak sa puso ko, sa isip ko, dahil maraming-marami akong natutunan sa grupong ito, sa project na ito, madami akong na-discover sa sarili ko na mga hindi ko inakalang kaya kong gawin.


“Sana mapanood n'yo ‘yung huling proyekto na gagawin ko dahil kailangang maging proud sa akin 'yung mga sumusuporta sa akin and I won’t let you down, guys. So, sana, suportahan n'yo ‘yung Walang Hanggang Paalam.”


Tiyak na magiging proud nga ang mga sumusuporta kay Angelica sa huling serye niyang ito dahil ang husay niya sa karakter niya bilang Celine na ina ni Robbie na kinidnap ni Jake Cuenca as Dexter dahil sa galit nito kay Paulo Avelino (Emman) na ama ng bata.


Pero bago nangyari ang kidnapan ay magkasama sa trabaho sina Jake at Paulo na may pinag-awayan hanggang sa nakulong ang huli at dahil kumbinsidong kriminal ang tatay ng anak ay nilayuan ito ni Angelica para mag-isang buhayin ang bata hanggang sa nagkalapit sila ni Zanjoe Marudo bilang si Anton, negosyante na noon pa pala may gusto sa kanya.


Ang daming layers ng kuwento ng Walang Hanggang Paalam dahil may episode rin pala sina Paulo at Arci Muñoz sa papel na Sam na dating kasama sa intelligence unit.


Going back to Angelica ay marahil nga napapagod na rin siyang gumawa ng teleserye lalo na sa new normal setup. Hindi ba mas okay nga dahil 12 hours na lang silang nagtatrabaho kumpara dati na halos putok na ang araw bago sila ma-pack-up?


Baka naman ngayon lang ito nararamdaman ni Angelica at puwede pang mahilot kapag may maganda uling proyekto. Sabi nga ng lahat, kapag magaling kang artista ay hahanap-hanapin mo ang pag-arte.


Samantala, pareho ang karakter nina Angelica at Arci na kalog at sabi nga ni Paulo, pinipikon siya lagi ng dalawang aktres kaya sinabi niyang, "Maldita talaga sila."


Kaya natanong sila kung ano ang nangyayari sa set kapag magkaeksena na ang dalawang leading ladies ni Paulo.


“'Yung ginagawa naming trabaho, masyadong limited ang oras para mawala ka sa karakter mo, so once na tumayo ka galing sa upuan mo pagkatapos kang ayusan, dire-diretso na ‘yung trabaho. At ‘yung takbo ng story ng character ko, talagang mabigat ‘yung pinagdaraanan kasi nawawala nga ‘yung anak niya.


“So, ngayon na lang ako medyo naglu-loosen up sa set, nakakapagpatawa na ako. Hindi rin naman ako nanggugulo kapag mabibigat ang eksena. Okay naman, naisasantabi namin ang mga kalokohan,” seryosong sabi ni Angge.


At si Arci, “Ha, ha! Sobrang sarap kaeksena niyang si Angge, tawa lang kami nang tawa kasi kahit seryoso (nakakatawa). Ang kawawa, si Pau, si T’yo Pau kapag pinagsama kami ni Angge, ha, ha, ha.”


Sagot naman ng aktor, “Nang-aasar kasi lagi sila sa set. Okay naman, kumbaga, may katotohanan din naman ‘yung pang-aasar nila, tanggap ko na rin. 'Pag nagsama lang talaga ‘tong dalawang maldita.”


Pero sa ipinakitang husay sa pag-arte ng tatlo kasama pa ang ibang cast ay hindi mo mabibitawan ang Walang Hanggang Paalam na talagang aabangan mo gabi-gabi handog ng Dreamscape Entertainment mula sa direksiyon nina Emmanuel Palo at Darnel Villaflor na mapapanood na bukas ng gabi, Setyembre 28, 9:20 PM at sabay-sabay itong mapapanood sa Pilipinas, Europe, Middle East, Asia-Pacific, Australia at New Zealand sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, TFC, at iWant TFC.


Abangan din sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel (SKYchannel 8 sa SD at Channel 167 sa HD, Cablelink Channel 8, G Sat Direct TV Channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa).

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page