top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

UB Hushian at Ulaanbatar, sakalam sa Manila Masters

BULGAR
May 29, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 29, 2022



Ipinamalas ng Ub Hushian NE bakit sila ang numero unong koponan ng 3x3 sa buong mundo at binigyan ng matinding aral ang Cebu Chooks ng Pilipinas, 21-17, sa pagbubukas ng 2022 FIBA 3x3 World Tour Manila Masters kahapon sa Ayala Malls Manila Bay. Hindi din pinalad ang mga kababayang Manila Chooks at lumuhod sa lakas ng Ulaanbaatar MMC Energy, 22-11.

Matapang na hinarap nina Mark Jayven Tallo, Zachary Huang, Brandon Ramirez at Mike Harry Nzeusseu ang hamon ng mga bisita mula Serbia. Natapat na maalat ang laro ng numero unong manlalaro sa buong mundo na si Strahinja Stojacic at kinuha ng mga Pinoy ang pagkakataon.

Nadaig ni Tallo, ang numero unong manlalaro ng Pilipinas, ang mas matangkad na si Stojacic sa kanilang bantayan. Huling hinawakan ng Cebu ang lamang, 14-12, matapos ang buslo sa ilalim ni Brandon Ramirez at malayong dos puntos ni Tallo.

Mula roon ay isinalba ang Ub ni Dejan “Maestro” Majstorovic at humabol at bumawi, 17-14. Gumawa ng ingay ang Cebu sa dunk ni Nzeusseu, 17-20, subalit winakasan ni Maestro ang laban sa kanyang saksak na may 1:08 sa orasan.

Nagtapos si Maestro na may 12 ng kanilang 21 puntos. Nanguna si Tallo sa Cebu na may 11 puntos buhat sa limang two-points habang limang puntos si Nzeusseu.

Lalong lumakas ang Ulaanbaatar, ang pambansang koponan ng Mongolia, sa kanilang import Steve Sir ng Canada at agad ipinakita niya ang kanyang talas sa shooting sa limang two-points. Pinagbayaran ng malaki ng Manila ang kanilang malamyang simula at itinulak ng magkasunod na dos ni Sir ang Ulaanbaatar, 13-5.

Saglit nagpahinga si Sir subalit hindi bumaba ang kanilang laro at umabot sa 16-5 ang agwat. Bumalik si Sir at tinuldakan niya ang laro ng kanyang huling dos na may 5:53 sa orasan.

Kumuha ng opensa ang Manila kay Henry Iloka na may lima at Dennis Santos na may apat na puntos. Dalawang puntos si Chico Lanete habang hindi nakapuntos ang bagong pirmang si Ken Sagulo Holmqvist. Samantala, pinangunahan ni Tallo ang apat na shooter na tutuloy sa Finals ng Two-Point Shootout.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page