U.S.A. humaba ang winning streak, dinikdik ang Italy
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
by Gerard Arce @Sports News | June 21, 2026

Photo: Volleyball Nations League
Mga laro ngayong Linggo
(Philsports Arena, Pasig City)
12 nn – Serbia vs USA
4 pm – Czechia vs Dominican Republic
8 pm – Japan vs Italy
PIinahaba ng 3-time world champion United States of America ang kanilang winning streak sa lima matapos walisin ang defending champion at World No.1 Italy na inakalang magiging dikdikan ang tapatan na nagtapos sa pamamagitan ng 27-25, 25-20, 25-16 sa pagpapatuloy ng hampasan ng Philippine leg ng Volleyball Nations League kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Bumira ang beteranong open hitter na si Stephany Samedy ng lahat ng 12 puntos mula sa atake para pangunahan ang USA sa pag-angat sa 6-1 win-loss rekord at manatiling walang bahid ng pagkatalo sa Philippine leg ng nangungunang taunang pandaigdigang kompetisyon ng International Volleyball Federation (FIVB).
Naunang tinalo ng Amerika ang Ukraine (25-16, 25-17, 25-23), habang nalasap ang unang pagkatalo kontra World No. 10 Canada sa 25-22, 25-22, 30-28 sa Week 1 sa Quebec City, Canada. Nakabawi ang US sa France sa 3-2 (25-21, 23-25, 27-25, 23-25, 15-11) na sinundan ng panalo laban sa Germany (25-22, 25-15, 25-12), Dominican Republic (25-20, 25-19, 25-12), at Czechia (25-17, 25-12, 25-16), bago ang panalo sa Italy.
Sumegunda sa scoring si Madison Banks sa 11 points na sinundan ni middle blocker Asjia O’Neal sa 9 puntos galing sa 7 atake at 2 blocks at matibay na depensa ni Molly McCage sa sariling 9 puntos kabilang ang 4 blocks, 3 kills, 2 aces at 3 digs.
Nag-ambag din si wing spiker Simone Lee Wank sa 8 puntos mula lahat sa atake, 5 digs at 5 receptions, gayundin sina Jordan Thompson sa 6 at Avery Skinner sa 4, habang namahagi si Saige Ka’aha’aina-Torres ng 16 excellent sets.





Comments