top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

U.S.A. hindi pinaporma ang Puerto Rico sa FIBA Showcase

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 9, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 9, 2023



Pinatahimik ng Team USA ang mga nagdududa sa kanila sa matinding 117-74 panalo sa Puerto Rico sa kanilang unang pampublikong laro sa T-Mobile Arena sa Las Vegas kahapon. Ang laro ay bahagi ng USA Basketball Showcase na nagsisilbing paghahanda ng mga Amerikano para sa 2023 FIBA World Cup ngayong Agosto 25.


Lumayo ang Team USA sa third quarter kung saan pinalaki nila ang 50-43 lamang noong halftime sa 84-61. Humugot ng lakas mula kay Anthony Edwards na may 15 puntos agad at sinuportahan nina Brandon Ingram at Mikal Bridges.


Hindi na pumuntos si Edwards sa 4th quarter subalit hindi na rin ito kinailangan at bumanat lalo ang mga kakampi.


Ang tagumpay ay sa gitna ng mga balita na tinatalo sa ensayo ng Team Select na pinangungunahan ni kabayan Jalen Green ang mga sasabak sa World Cup. Dahil dito, lumutang ang katanungan patungkul sa kakayahan ng Team USA na mabawi ang kampeonato na huli nilang napagwagian noong 2014 sa Espanya.


Susunod para sa Team USA ang mga laro kontra Slovenia at defending champion Espanya sa Malaga sa Agosto 12 at 13. Haharapin din nila ang Gresya at Alemanya sa Abu Dhabi ngayong Agosto 18 at 20 bago tumuloy ng Pilipinas para laruin ang New Zealand, Jordan at Gresya sa Grupo C sa Mall of Asia Arena.


Walang kasalukuyang NBA player ang Puerto Rico pero pinangunahan sila ni Tremont Waters, ang dating naglaro sa Washington Wizards na may 17 puntos. Sumunod si George Conditt IV na may 12 at Jordan Howard na may 10 puntos.


Mapapanood din ng mga Filipino ang Puerto Rico sa Grupo B na gaganapin sa Araneta Coliseum. Kasama nila sa grupo ang Serbia, Tsina at Timog Sudan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page