top of page
Search
  • BULGAR

U.S.A. at Serbia unbeaten. Georgia, may tibay pa

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 31, 2023




Madaling idinispatsa ng Team USA ang Jordan, 110-62, at walisin ang Grupo C ng 2023 FIBA World Cup sa Mall of Asia Arena kahapon. Perpekto rin ang isa pang paboritong Serbia at giniba ang Timog Sudan, 115-83, sa Grupo B sa Araneta Coliseum.


Sa first quarter pa lang ay itinatak ng mga Amerikano ang kanilang kalidad at bumuhos ng 13 puntos si Anthony Edwards at higitang mag-isa ang buong Jordan patungo sa 31-12 lamang. Mula roon ay walang duda na aakyat sila sa 3-0 panalo-talo at maghahanda na para harapin ang hamon ng Lithuania at Montenegro ng Grupo D sa Round 2 simula Biyernes sa MOA muli.


Dumagdag ng 9 na puntos si Edwards para magtapos na may 22 puntos at 8 rebound. Sumuporta sina Bobby Portis na may 13 at Jaren Jackson Jr. na may 12 puntos.


Sinikap kargahin ni Rondae Hollis-Jefferson ang Jordan sa kanyang 20 puntos subalit hinanap niya ng tulong mga kakampi. Nag-ambag ng 10 puntos si point guard Freddy Ibrahim at haharaping sunod ng Jordan ang Mexico at Ehipto sa Classification Round.


Walang nagawa ang depensa ng Timog Sudan sa mga shooter ng Serbia na sina Nikola Jovic at Bogdan Bogdanovic na parehong mga beterano ng NBA. Umapoy para sa 25 mula sa limang three-points si Jovic habang anim na tres si Bogdanovic patungo sa 23 puntos at siyam na assist.


Samantala, pinatibay ng Georgia ang pagpasok nila sa Round 2 matapos magtagumpay sa Venezuela, 70-59 sa Okinawa, Japan. Umakyat sa 2-1 ang Georgia sa likod ng 25 puntos ni Tornike Shengelia at Goga Bitadze na may 11 puntos at 11 rebound.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page