top of page

U-17 Filipinas Booters, dapa ang Bangladesh sa AFC Cup

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 23, 2023
  • 1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 23, 2023


ree

Buhay na buhay pa rin ang pag-asa ng Philippine Women’s Football National Team at natamasa ang pinaghirapang 3-1 panalo sa Bangladesh sa pagpapatuloy ng 2024 AFC Under-17 Women’s Asian Cup Qualifiers Biyernes ng gabi sa Vietnam Youth Football Training Center sa Hanoi. Humugot ng inspirasyon ang mga dalagita sa kasabay na tagumpay ng kanilang mga ate kontra Hong Kong sa 19th Asian Games Hangzhou.


Nagpakita ng determinasyon ang Filipinas at lumikha agad ng goal si forward Isabella Preston sa ikatlong minuto pa lang. Naging saglit ang kasiyahan at itinabla ni Mst Sagorika ang laro makalipas ang isang minuto, 1-1.

Kung kailangan ng goal ay pinatunayan muli ni Nina Mathelus na talagang siya ay maaasahan at inihatid ang pang-lamang na goal sa ika-31 minuto. Ito na rin ang ika-pitong goal ni Mathelus sa torneo mula pa noong Round One noong Abril.


Sumunod ay sinikap ng mga Pinay na palakihin ang agwat upang makabawi sa kanilang masaklap na 2-6 pagkabigo sa Australia noong isang araw. Mahalaga ang lamang oras na manatiling tabla ang mga koponan sa pagwakas ng torneo.


Nahirapan hanapin ang mahalagang goal hanggang isinipa ni Jelena Pido ang paniguradong goal sa ika-95 minuto at bago ang huling pito ng reperi. Pumantay rin ang kartada ng pambansang koponan sa 1-1 panalo-talo.


Hahanapin na nila ang ginintuang tiket patungo sa kanilang unang Asian Cup laban sa host Vietnam ngayong Linggo sa parehong palaruan simula 8:00 gabi, oras sa Pilipinas.


Tinatapos ang tapatan ng Vietnam at Australia na parehong nagwagi sa una nilang mga laro noong Miyerkules.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page